Naharang ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang 28 parcels ng iligal na firearms kasama ang mga parte at aksesorya ng mga itong tinatayang nagkakahalagang PhP1.5M sa Central Mail Exchange Center.
Sa pahayag na inilabas ng BOC, nagsidatingan ang parcels sa magkakaibang petsa mula 2019 hanggang kasalukuyang taon na walang import permit mula Firearms and Explosive Office ng Philippine National Police.
Kinumpiska ang mga nasabing kargado dahil sa paglabag sa Sec. 117 at Sec. 1113 ng RA 10863 o “Customs Modernization and Tariff Act” at RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.” Ibibigay naman ang kaso sa Bureau Action Team Against Smugglers at Legal Service para sa prosekusyon ng importers at co-conspirators ng mga ito.
Mananatili muna sa pangangalaga ng Enforcement and Security Service-Firearms and Explosive Office ang mga baril pati mga parte at aksesorya nito habang hinihintay ang seizure at forfeiture proceedings.
Siniguro ni District Collector Carmelita M. Talusan na mananatiling pokus ang BOC-NAIA sa pagbabantay sa paliparan upang pigilan ang anumang iligal na pagpasok ng high-risk commodities tulad ng firearms at mapanganib na droga sa kabila ng COVID-19.