Nasa ilalim ngayon ng Istriktong surveillance ang 12 village sa Dulag, Leyte matapos makumpirma na mayroong bagong kaso ng African swine fever (ASF) sa lugar ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ang mga natukoy na lugar ay matatagpuan pito hanggang sampung kilometro mula sa Combis village kung saan nauna nang may naitalang kaso ng ASF ayon sa laboratory test na inilabas noong Enero 29.
“Village officials were given a thorough orientation briefing by the regional task force and proper advice on how to manage, contain, and control the spread of the disease,” ayon sa DA Regional office.
Samantala, lahat ng nag-aalaga ng baboy sa bayan ng Dulag ay inabisuhan nang bantayan ang kani-kanilang mga baboy at inatasang makipag-ugnayan sa municipal agriculture office kung may naobserbahang sintomas ng ASF sa mga alagang baboy.
Ang bayan ng Dulag ang ika-apat na bayan sa Leyte na mayroong kumpirmadong kaso ng ASF. Nauna itong naitala sa bayan ng Abuyog noong Enero 14.
“Our appeal to local government units in the adjoining areas is to take immediate action and seriously address the spread of the animal disease in their locality. Create or reactivate their ASF task force by stepping up efforts to regulate the movement of live pigs, pork, and processed pork products that go inside and outside their respective towns,” paalala ng DA.
Tinatayang 1,600 baboy na ang kinatay sa Leyte mula nang magsimula ang ASF outbreak nitong Enero upang makontrol ang pagkalat ng virus.