Matapos ang opisyal na simula ng vaccination program ng bansa, ibinahagi ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. na kukuha muli ang bansa ng isang milyong bakuna mula sa Sinovac na nagkakahalaga ng 700 milyong piso.
“Kaya po tayo, mayroon tayong procurement this coming March, mayroon po tayong one million from Sinovac,” ani Galvez.
Dagdag pa niya, “So, once na napirmahan na po namin iyon, dadating po ang one million doses this coming March po, in tranches po. Nakita po natin iyong 500,000 [doses] ay [isasakay sa] isang malaking eroplano po iyon, so in two tranches po iyon.”
Aniya, dahil sa global shortage sa ibang brand kung kaya’t Sinovac at Sputnik V lamang ang pagpipilian sa ngayon.
Kinumpirma rin ni Sinovac Biotech General Manager Helen Yang na pinag-uusapan na sa ngayon ang shipment ng bakuna sa Pilipinas.
“We are discussing with the Philippine government to arrange another one million doses in March. We’re working on that,” pahayag ni Yang.
Ayon pa kay Yang, “I see that the Philippines government is a very tough negotiator that we took some time to develop the plans, strategies. We’re working on that.”
Kamakailan, iniulat ng Palasyo na mayroon nang nakalaan na 25 milyong doses ng Sinovac vaccine ang bansa at paunti-unti umano itong ipapadala sa bansa simula ngayong Marso hanggang Disyembre.