Humigit kumulang sa 30,000 informal sector workers mula sa mga probinsyang lubos na sinalanta ng Bagyong Ulysses ang makatatanggap ng emergency employment mula sa pamahalaan ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang mga manggagawa na magmumula sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol ang makikinabang sa “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD)” ng DOLE.
“Probably 30,000 to 40,000 (are the target beneficiaries) on the areas that we have mentioned,” saad ni DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay sa isang online forum.
Dagdag pa niya, ang pondong gagamitin para sa mga biktima ng bagyo ay manggagaling sa Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover As One Act (Republic Act 11494). Naglaan ang nasabing batas ng PhP6 bilyon para sa programa.
Sa ilalim ng TUPAD, ang mga manggagawa ay magtutulung-tulong upang linisin ang mga kalat na iniwan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses sa kani-kanilang lugar.