Mahigit sa 41,000 na pamilya na ang nakakatanggap ng pinansyal na tulong mula sa emergency subsidy program (ESP) sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kahapon.
Ayon sa huling tala nito noong Disyembre 2, nakapagbigay nan g mahigit sa Php42 milyon sa 7,573 na benepisyaro ng pamilya na naninirahan sa mga lugar na nasa ilalim ng “granular lockdown” mula noong Setyembre 13.
Sa parehong programa ay naglabas ng Php232.7 milyon ang ahensiya para sa 33,964 na karagdagang benepisyaryo o ang mga pamilyang hindi nakasama sa naunang implementasyon ng social amelioration program (SAP).
Ang mga pamilyang maaaring makatanggap ng ESP ay ang mga apektadong low-income families sa mga lugar na nasa granular lockdown, mga kwalipikadong pamilya na hindi nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng una at pangalawang tranche ng SAP, at ang mga kababalik lamang sa bansa na overseas Filipino workers (OFWs) na kabilang sa low-income families at kasalukuyang nakatira sa mga lugar na nasa granular lockdown.
Sila ay makakatanggap ng emergency cash subsidy na nagkakahalaga ng Php5,000 hanggang Php8,000. Ito ay hindi nakabase sa kung ilang beses na naideklara ang kanilang lugar na sumailalim sa granular lockdown, o kung may extension ang nasabing lockdown sa kanilang mga lugar.