Huli ang anim na drug suspects na hinihinalang nagpapatakbo ng drug distribution network sa Northern at Central Luzon nitong Pebrero 18 sa Tarlac matapos makuhanan ng kabuuang 158-kilo (o 158 bricks) ng dried marijuana leaves na tinatayang nagkakahalagang PhP18.96-milyon.
Nakilala ang anim na sina Marlon Miranda, 34, high-value target at residente ng Bulanao Tabuk, Kalinga Province; Joey Palaeyan, 33, ng Bulanao Tabuk, Kalinga Province; Freddie Letta, 35, ng 2456 Pasig Line St. Sta. Ana, Manila; Carl Andrei Maico, 22, ng 498 Diliman St. Quezon City; Via Jean Ortiga, 19, ng Palanit San Isidro, Northern Samar; at Lorraine Fulgencio, 23, ng 16 T. Alonzo Project 4, Quezon City.
Nakuha diumano kina Miranda at Palaeyan ang 25-kilo o bricks ng hinihinalang dried marijuana leaves na may halagang PhP3-milyon sa isang joint anti-illegal drug operations ng mga pulis sa San Francisco Concepcion, Tarlac noong Pebrero 18.
Sinundan na ito ng pagkakaaresto ng apat pang suspek habang nakikipagtransaksyon sa drug peddlers.
Nakuha rin sa mga suspek ang 5 bricks ng hinihinalang dried marijuana leaves na nagkakahalagang PhP600,000, buy-bust at boodle money, 1 cellphone na gamit diumano sa marijuana transactions, Toyota Altis na may plate number BTK777, 1 Vivo cellphone, at 100 ng 5.56 ammos.
Nasa kustodiya na ngayon ng PNP provincial drug enforcement unit ang mga suspek at nakumpiskang mga ebidensya habang hinahanda ang mga reklamong isasampa laban sa mga ito.