Nasa 30 kahon ng abandonadong video tapes, 2,400 one-time password devices, SIM cards, at blank bank cards na ang iba’y isinilid sa vacuum cleaners at speakers ang na-turnover na ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark sa Optical Media Board (OMB) nitong Oktubre 29.
Kinumpiska ang mga nabanggit na device dahil sa paglabag sa Sec. 117 at 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act at Access Devices Regulation Act of 1998.
Idineklarang forfeited ang mga shipment na nagmula Hong Kong at China dahil sa kawalan ng good declaration at permit mula OMB.
Bagama’t hindi pa batid kung saan gagamitin ang mga kahina-hinalang kontrabando, hindi naman ito nakalusot sa probisyon ng Customs lalo pa’t papuslit itong ipinasok sa bansa.
Sinabi naman ni District Collector Atty. Ruby Claudia Alameda na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Port of Clark sa iba pang regulating agencies upang masabat ang mga ganitong restricted shipment.