ANGKAS, JOYRIDE, MOVEIT BALIK-PASADA NA NGAYONG NOBYEMBRE 23

Ni Raiza F. Cabugwang
Photo courtesy of pna.gov.ph
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Mas magiging madali na ang pagbiyahe ng commuters sa gitna ng pandemya dahil simula ngayong araw, Nobyembre 23, papayagan na ng Land Transportation Office (LTO) na bumiyaheng muli ang motorcycle taxis sa National Capital Region (NCR), Cebu, at Cagayan de Oro.

Base sa pahayag na inilabas ng LTO, ang bike-hailing operators na Angkas, JoyRide, at MoveIt ay pahihintulutang magbalik-operasyon basta’t susundin ng mga ito ang kaukulang pilot study guidelines ng ahensya.

Ayon sa LTO, ang technical working group (TWG) para sa nasabing motorcycle taxi pilot run, na kinabibilangan ng Department of Transportation, LTFRB, Inter-Agency Council for Traffic, at ng Philippine National Police-Highway Patrol Group, ay nagsagawa ng pagpupulong kasama ang tatlong ride-hailing operators para abisuhan ang mga ito sa mga kinakailangang gawin at mga regulasyon kaugnay sa pagbabalik-pasada ng mga ito.

Sinabi ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante, na siyang pinuno ng naturang TWG, kung mas maagang makakapagsumite ng mga kinakailangang dokumento ang mga operator ay mas maaga ring pahihintulutan ang panunumbalik ng kanilang operasyon.

Nauna nang naglabas ng mga panuntunan ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at ang National Task Force (NTF) Against Coronavirus disease 2019 o COVID-19 tungkol sa pagpapatuloy ng naturang pilot run matapos itong maudlot bunsod ng paglaganap ng virus.

Kabilang sa nakasaad sa nasabing mga panuntunan ay ang paggamit ng harang na aprubado ng NTF upang ihiwalay ang nagmamaneho sa pasahero para maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus. 

Ang mga pasahero naman ay inaatasang magdala ng kanilang sariling helmet na may visor. Ang helmet ang siyang magsisilbing face shield ng pasahero habang ito ay nakasakay sa alinmang bike-hailing services, ngunit kinakailangan pa rin nilang magsuot ng face mask bukod dito.

Para malimitahan ang physical contact sa pagitan ng tsuper at ng pasahero, na maaari ring maging sanhi ng pagkahawa sa virus, kinakailangang gumamit ng cashless transactions ang nasabing bike-hailing operators.

Nauna nang nagpahayag ng kanilang pasasalamat ang Angkas at JoyRide sa pamahalaan sa desisyon nitong payagan silang magbalik-operayson. Anila, matutulungan nito ang libo-libong bikers na nawalan ng trabaho bunsod ng pandemya.

Siniguro naman ni Angkas Chief Transport Advocate George Royeca na sinusunod nila ang lahat ng kahilingan ng pamahalaan hinggil sa pagbabalik-operasyon ng kanilang motorcycles-for-hire. 

Sa katunayan ay nakahanda na para sa kanilang muling pagbabalik sa mga kakalsadahan ang 23,000 na riders sa NCR, 4,500 na riders sa Cebu, at 900 naman sa Cagayan de Oro.

Tiniyak din ni JoyRide Vice President for Corporate Affairs Noli Eala na handa ring tumalima ang kanilang kumpanya sa mga panuntunan at nakatakdang health standards kaugnay sa kanilang pagbabalik-pasada.

Naghahanda na aniya ang 15,000 bikers nito at 5,000 sa mga ito ang nakapagsumite na ng kanilang health clearances.

Patuloy na nagsasagawa ng swab testing ang naturang bike-hailing firms sa kanilang mga drayber upang masiguro na negatibo ang mga ito mula sa virus bago sila muling bumiyahe at tumanggap ng pasahero.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.