Nakatakdang ilunsad ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang programang Go SmARTApp ngayong Abril 22 na naglalayong pabilisin ang transaksyon at wakasan ang red tape sa gobyerno.
Ayon kay ARTA Director-General Jeremiah Belgica, donasyon ng Multisys Technologies Corporation ang naturang app sa ARTA at aniya, malaking benepisyo umano sa publiko ang tumatatag na public-private partnership.
“A private-public partnership is not just desirable but necessary for us to achieve all the dreams and aspirations we have as a country. Hindi po kaya ng gobyernong mabuhay kung wala ang suporta ng taong bayan,” ani DG Belgica.
Inaasahang mas mapapabilis ng Go SmARTApp ang proseso sa pagkuha ng mga dokumento at mas lalo pang paigtingin ang inisyatiba ng gobyerno laban sa red tape sa pamamagitan ng automated features nito.
Inihayag din kamakailan ng ARTA ang balak nitong isama ang StaySafe.PH contact tracing app sa Go SmARTApp upang makatulong sa laban kontra COVID-19.
Donasyon rin sa gobyerno mula sa Multisys Technologies ang StaySafe.Ph app at inaasahang gagamitin ito ng gobyerno at ng mga lokal na pamahalaan upang maging mas madali ang pagsasagawa ng contact tracing sa bansa.