4 PANG MED SCHOOLS SA MAYNILA, BALIK FACE-TO-FACE CLASSES NA

admin

Ni Ivy Atompag
Photo: PNA
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Binigyan na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kahapon ng go signal ang apat pang medical schools sa lungsod na ibalik ang face-to-face classes pati na ang unti-unting pagbubukas ng clinical clerkship program ng mga ito.

Inaprubahan na ng alkalde ang kahilingan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM)-College of Medicine, Metropolitan Medical Center College of Arts and Sciences, Chinese General Hospital (CGH) Colleges, at ng Manila Theological College-College of Medicine na magsagawa na ng face-to-face classes.

Sumang-ayon ang alkalde sa mga opisyal ng eskwelahan na lubos na makatutulong ang face-to-face sa medical students at iba pang estudyanteng naka-enroll sa mga kursong medikal at pangkalusugan. 

Ayon sa kaniya, ang layunin ay makapaghubog ng mga doktor, nurse, midwife, at iba pang propesyonal sa larangang ito. 

“If we can produce that next year, then at least we can continue to strengthen our medical professionals handling the situation,” saad ni Mayor Isko. 

Isinumite ng mga opisyal ng eskwelahan ang kani-kanilang health protocols alinsunod sa joint memorandum na inilabas ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Health (DOH). 

Nauna nang inaprubahan ng alkalde ang pagbabalik ng face-to-face classes sa University of Sto. Tomas (UST) at Centro Escolar University (CEU) noong Pebrero.

BAKUNANG GAWA NG ASTRAZENECA PARATING NA SA BANSA

admin

Ni Monica N. Ladisla
Source: PNA
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Matapos ang aberya sa pagdating ng mahigit 500,000 na doses ng bakuna mula sa AstraZeneca, inanunsyo ng Palasyo na tuloy na ang pagdating ng mga ito ngayong Huwebes ng gabi, Marso 4.

“This is to confirm that the Philippines is set to receive 487,200 doses of AstraZeneca vaccines tomorrow, March 4, 2021, 7:30 PM, as part of the first round of allocated doses from the COVAX facility,” ulat ni Presidential Spokesperson Harry Roque kahapon.

Tulad ng seremonya sa pagtanggap ng Sinovac, personal din umanong dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte upang tanggapin ang bakuna mula sa COVAX facility ayon kay Sec. Roque.

Inaasahang magagamit ang parating na bakunang ito sa mahigit-kumulang 240,000 healthcare workers sa bansa kabilang na ang mga tumangging magpabakuna ng Sinovac vaccine.

Sa ulat ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr., tatanggap ang Pilipinas ng 5.5 hanggang 9.2 milyong doses ng bakuna mula sa AstraZeneca at 117,000 doses ng bakuna naman mula sa Pfizer sa pamamagitan ng COVAX facility.

“We are grateful to everyone — from our medical frontliners to our fellow Filipinos and foreign partners — who stand by with us in this challenging time. Together, we will heal and recover as one nation and one people,” ani Sec. Roque.

DA: SUPLAY NG BABOY NADAGDAGAN SA NCR

admin

Ni Ivy Atompag
Photo: DA
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Iniulat ng Department of Agriculture (DA) ang pagdating ng 27,852 kilo ng baboy sa Metro Manila nitong Marso 2 mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Ayon sa kanila, nasa tinatayang 685,846 kilo ng baboy na ang dumating sa Metro Manila. Alinsunod ito sa layunin ng pamahalaan na pababain ang presyo ng baboy at iba pang produktong karne sa NCR. 

“The largest number of hog deliveries were transported from Western Visayas, particularly Aklan, Antique, Iloilo, Guimaras, and Negros Occidental, with a total of 3,155 hogs or 44 percent of the total deliveries today,” saad ng DA sa isang pahayag.

Ang rehiyon ng CALABARZON ay nakapagpadala rin ng 2,086 na baboy mula Rizal, Quezon, at Batangas habang 526 naman ang nanggaling sa Bicol.

Nabanggit din ng ahensya na mayroong 430 baboy mula sa Northern Mindanao ang ipinadala sa isang slaughterhouse sa Muntinlupa. 

Ang Central Luzon naman ay nakapagpadala ng 65 na baboy sa slaughterhouses sa Makati at Caloocan bukod pa sa 27,852 kilo ng nakatay na baboy na ipinapadala nito araw-araw bilang dagdag sa daily hog requirement ng Metro Manila.

MAHIGIT 3 MILYONG PISO NA PAMPAGAWA SANA NG ‘MALL’ SA LA UNION, DINISPALKO NG ISANG ‘NIGERIAN ENGINEER’ MULA SA JINOWANG NEGOSYANTE

admin

Ni Joan Alcantara
Photo: PNP-PIO
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Nagtapos sa kulungan ang dapat sana’y masayang pakikipagrelasyon ng isang Nigerian National sa isang Filipinang negosyante matapos maitakas mula sa kanya ang 3.23 milyong pisong halaga na pangpagawa sana ng mall sa San Fernando, La Union.

Kinilala ang suspek na si Evans Amara Okeke, 26 na nakausap lang pala sa social media ng biktimang si Ellen Salto, 64, isang negosyante at residente ng Brgy. Pinyahan, Quezon City.

‘Michael Gerald’ ang unang pakilala sa kanya nito. Dahil naging magkasintahan, ibinuhos niya ang tiwala sa suspect para sa proyekto. Huli na nang malaman niyang naitakas na pala ang kanyang pera kasama ang 2 nitong kasabwat.

Si bisa ng isang search warrant, naaresto ng ng mga operatiba ng CFCU, DFU, OMD at CPIU si Okeke sa Room 3 No. 47 Kasoy St. Verdant Acre Subdivision, Las Piñas City kasama ang mga kasabwat nito na sina Chidiebere Junior Ezema, 25, isa ring Nigerian National at Filipinang si Judy Ann Japitana, 23.

Nasa kustodiya na ng CFCU sa PNP Anti-Cybercrime Group Custodial Facility Camp Crame, Quezon City ang mga suspek dahil sa paglabag sa Art. 315 ng RPC (Swindling/Estafa) at Sec. 5(a) at (b) at Sec. 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

“Our cybercops are going after perpetrators of online fraud and scams and will arrest cyber criminals who are involved in online illegal activities that may cause harm, confusion, and panic among our people,” pahayag ni PNP Chief Debold M. Sinas.

MAHIGIT 7K UNAUTHORIZED COVID-19 TEST KITS NA BINEBENTA ONLINE, NAHARANG NG PNP

admin

Ni Joan Alcantara
Photo: PNP-PIO
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Huli ang isang Chinese trader at Pilipinong kasabwat nito sa isang entrapment operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng nasa 7,700 unregistered COVID-19 test kits nitong Marso 2.

Arestado ng mga operatiba ng CIDG QCDFU, Philippine Air Force Intelligence, at Navotas PS sina Liset Lo Kaw, 40, at Christian Casanova Cruz, 23, sa Brgy. San Rafael Village, Navotas City.

Nagsimula ang operasyon sa sumbong ng FDA ng illegal online sale ng unregistered COVID-19 rapid test kits dahil sa kawalan ng permit o lisensya galing sa ahensya.

Nakumpiska sa mga suspek ang 154 kahon na naglalaman ng 50 piraso ng Clungene Rapid Test Kit kada isa. Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng PhP1,016,000.00.

Nakuha rin sa mga suspek ang PhP436,000.00 marked money.

Leaders din diumano ang mga suspek ng Christian CG, isang criminal group na ang operasyon ay pagbebenta online.

Nasa QCDFU na ang mga suspek upang humarap sa kasong paglabag sa RA 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009) at FDA Circular No. 2020-016 (Prohibition of Online Selling of FDA Certified COVID-19 Antibody Test Kit).

“We remind the public to be vigilant and to immediately report any suspicious online transactions. We cannot discount the risks associated with unauthorized medical products that could possibly endanger public health. Also, we encourage those who are engaged in food or health product businesses to get pertinent legal documents from the FDA to avoid conflict with the law,” pahayag ni PNP Chief Debold M. Sinas.

MGA ESTUDYANTE MAAARI NANG MAKAHIRAM NG P50K SA LAND BANK PARA SA GADGETS NA GAGAMITIN SA ONLINE LEARNING

admin

Ni Raiza F. Cabugwang
Photo courtesy of pia.gov.ph
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Sa ilalim ng pinalawig na direct loan program ng Land Bank of the Philippines, maaari nang makahiram ang mga estudyante ng hanggang P50,000 para sa gadgets na gagamitin nila sa online learning, tulad ng laptop, desktop, o tablet. 

Sa Interim Students’ Loan for Tuitions towards Upliftment of Education for the Development of the Youth (I-STUDY) Program ng LandBank, pwede nang maisama ang naturang halaga sa kabuuang P150,000 na maaaring mapahiram sa mga estudyante, o P300,000 naman sa bawat magulang na hihiram para sa pangmatrikula ng kanilang mga anak. 

“LandBank recognizes the need to support students in adapting to distance learning modalities. While we await the resumption of in-person classes, we hope that the I-STUDY Program can help students cover the financial requirements to purchase needed learning equipment and participate in online classes,” pahayag ni LandBank President at Chief Executive Officer Cecilia Borromeo.

Sa mas pinalawig na I-STUDY Program ng bangko, maaari nang mag-apply ang mga estudyante na nasa tamang edad na o simula 18 taong gulang. 

Nang inilunsad ang naturang programa noong nakaraang taon, tanging ang mga magulang o tagapag-alaga lamang ng mga estudyante ang maaaring mag-aplay para sa naturang programa. 

Ayon pa sa LandBank, mula sa 30 taong gulang ay iniakyat na sa hanggang 50 taong gulang ang edad ng mga estudyanteng maaaring makapangutang sa bangko para sa mga nabanggit na layunin.

Ang nasabing programa ay mayroong interes na limang porsyento bawat taon para sa short-term loans na nakalaan  sa mga mag-aaral sa preschool, elementarya, at sekundarya, na maaari namang bayaran sa loob ng isang taon. 

Mayroon ding pautang para sa mga estudyante sa kolehiyo, na maaari namang bayaran sa loob ng tatlong taon. May  kasama rin itong isang taong grace period para sa pagbabayad ng mismong hiniram na halaga.

PLANONG FACE-TO-FACE PILOT RUN NG DEPED, HALF DAY LAMANG ANG ITATAGAL

admin

Ni Monica N. Ladisla
Source: PNA
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Nilinaw ng Department of Education na half-day lamang ang itatagal ng mga estudyante sa paaralan kung sakaling matuloy ang iminungkahing implementasyon ng face-to-face classes sa mga lugar na naitalang COVID-19 low-risk areas.

Matatandaang noong Enero naunang itinakda ang implementasyon nito subalit nasuspinde ito dahil sa paglitaw ng UK variant ng COVID-19 sa bansa.

“The class schedules will vary between schools but the general rule will be that the face-to-face classes will be for a maximum of half-day only,” paglilinaw ni DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan.

Importante rin umano na sa kanilang bahay kumain ang estudyante sapagkat mataas ang posibilidad na mahawa at kumalat ang virus habang kumakain ang mga ito sa paaralan.

“So, the students will have to go home — if their schedule is in the morning, to have their lunch at home or those that are coming for an afternoon schedule should have eaten already their lunch at home,” paliwanag ni Usec. Malaluan.

Sa ginawang ulat ng DepEd sa Senate committee on Basic Education, naiulat na 50 mga paaralan sa bawat rehiyon ang papayagang makilahok sa gagawing pilot testing.

Kaugnay nito, idinetalye rin ng DepEd na isang klase lamang sa bawat grade level ang papayagan sa mga maliliit na paaralan, hanggang tatlong klase naman sa bawat grade level sa mga paaralang hindi gaano kalaki, at hanggang limang klase sa bawat grade level sa mga malalaking paaralan.

Bukod pa rito, hanggang 20 estudyante lamang ang papayagan sa bawat klase at maaari pang mabawasan depende sa laki ng silid-aralan.

“For smaller classroom sizes, 16 is recommended to maintain physical distancing,” ani Usec. Malaluan.

Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ng DepEd ang desisyon ng Pangulo tungkol rito at anumang oras ay handa umano silang ipatupad ito.

PRRD NILAGDAAN NA ANG BATAS NA NAGPAPAHINTULOT SA PHARMACISTS, MIDWIVES NA MAGBAKUNA KONTRA COVID-19

admin

Ni Raiza F. Cabugwang
Pangulong Rodrigo Duterte, Photo courtesy of pna.gov.ph
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Sa ilalim ng Republic Act Number 11525 o COVID-19 (Coronavirus disease 2019) Vaccination Program Act of 2021 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 26 ng taong ito, maaari nang hingin ang tulong ng pharmacists at midwives sa pagtuturok ng bakuna laban sa virus. 

Ang nabanggit na health professionals ay nararapat na sumailalim sa training ng Department of Health para sa programa sa pagbabakuna kontra COVID-19 ng gobyerno. 

“Notwithstanding the provision of Section 4 (g) of Republic Act No. 10918, otherwise known as the ‘Philippine Pharmacy Act’, and Section 23 of Republic Act No. 7392 otherwise known as the ‘Philippine Midwifery Act of 1992’ and in furtherance of the COVID-19 Vaccination Program, licensed pharmacists and midwives who are duly trained by the DOH may administer COVID-19 vaccines,” saad ng nasabing batas. 

Sa ilalim ng Section 4 (g) ng naturang pharmacy law, ang isang pharmacist ay maaaring makapagbigay ng bakunang aprubado ng Food and Drug Administration ng bansa pagkatapos nitong sumailalim sa pagsasanay sa pagtuturok ng bakuna at pangangasiwa sa posibleng side effect nito. Kinakailangan ding mayroon silang certificate mula sa isang institusyon na kinikilala ng Professional Regulation Commission na nagpapatunay na sila ay sumailalim sa nasabing training. 

Samantala, sa midwifery law naman, nakasaad na bukod sa pag-aalaga sa mga buntis o manganganak, sakop din ng serbisyong hatid ng midwives ang pagbibigay ng health education services sa pasyente, at maging sa pamilya at komunidad nito. Kasama rin dito ang pagbibigay ng pangunahing serbisyong pangkalusugan sa komunidad, kasama na ang pagtuturok ng bakuna. 

Nauna nang nagpahayag ng pagsuporta ang Department of Health hinggil sa nasabing hakbang para mas maparami pa ang bilang ng magbabakuna sa bansa. 

Kasama rin sa RA 11525 ang pagbuo ng P500 milyong COVID-19 National Vaccine Indemnity Fund na ipamamahagi ng Philippine Health Insurance Corporation. 

Nakasaad din sa naturang batas na walang pananagutan ang  mga opisyal at empleyado ng gobyerno, contractors,  manufacturers, volunteers, at representatives ng pribadong sektor na kabilang sa vaccination program sakaling mayroong matanggap na reklamo mula sa pagtuturok ng bakuna.

2 PANG MOST WANTED PERSONS DAHIL SA KASONG DROGA AT MURDER, NALAMBAT NG PNP

admin

Ni Joan Alcantara
Photo: PNP-PIO
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Dalawa pa sa most wanted persons ng PNP ang arestado sa magkahiwalay na operasyon ng mga operatiba nitong Marso 2.

Huli si Vic Fajardo, 42, Top 3 Most Wanted Person ng Nueva Ecija ng 2nd Maneuver, PMFC, NEPPO at Sto. Domingo PS bandang 2:15 p.m. sa Brgy. Poblacion, Sto. Domingo, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Nelson A. Tribiana, Presiding Judge ng RTC Br. 37 Sto. Dmingo, Nueva Ecija dahil sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Huli rin si Alexander Zeta, 63, Top 4 Most Wanted Person ng Malabon City ng SJDMC PS, PMFC Bulacan PPO, Regional Mobile Force Battalion-3, 24th Special Action Company, at Malabon City PS bandang 12:20 p.m. sa Brgy. Graceville CSJDM, Bulacan, sa bisa ng warrant of arrest ni Judge Rosa C. Reyes ng RTC Br. 74 Malabon City dahil sa kasong frustrated murder.

“The PNP’s continuous manhunt operations against most wanted persons strengthen the government’s all-out campaign against criminality. This contributes greatly to the development of peaceful communities,” pahayag ni PNP Chief Police General Debold M. Sinas.

20 KATAO NAGKAROON NG MINOR SIDE EFFECTS MULA SA SINOVAC

admin

Ni Monica N. Ladisla
Source: PNA
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Ayon sa ulat ng Department of Health, umabot sa 20 katao nitong Martes ang nakaranas ng negatibong epekto matapos mabakunahan ng COVID-19 vaccine mula sa Sinovac.

“As of 9:00 this morning, we had a total of 20 adverse events following immunization dito po sa iba’t ibang hospital na nagsagawa ng bakunahan,” pahayag ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Paglilinaw din niya, “Among the 20 individuals, ito po ay mga minor and common na sintomas pagkatapos ng pagkakainiksyon.”

Sa ulat ni Usec. Vergeire, ilan sa mga naiulat na epekto ng bakuna ay ang pananakit ng braso, rashes, pagkahilo, at pagtaas ng blood pressure.

Wala naman umano sa mga nabakunahan ang kinailangang dalhin sa ospital at kinalaunan ay pinauwi rin ang mga ito sa kanilang tahanan.

“All of them are common and all of them are minor adverse events. Wala sa kanilang na-admit, lahat sila ay inobserbahan, na-manage, at after a while, they were all sent home,” ani Usec. Vergeire.

Samantala, nilinaw din ni Usec. Vergeire na ang gobyerno at hindi ang manufacturer ng bakuna ang sasagot sa mga nagpabakunang nakaranas ng negatibong epekto sapagkat under development pa ang mga ito kahit sa kabila ng pagkakaroon ng emergency use authorization.

“Huwag lang merong gross negligence talaga on the part of the manufacturer and also the healthcare worker… Ang gobyerno ang sasagot, magpapagamot, magbabantay, at tutulong sa mga taong magkakaroon nitong adverse events na ‘to,”pahayag ni Usec. Vergeire.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.