LUNGSOD NG QUEZON — Nilinaw ng bagong talagang Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief ang nakaraang pahayag nito na irerekomenda ang “regulasyon” ng social media kasunod ng pagpasa ng Anti-Terrorism Law sa bansa.
Sinabi ni AFP Chief LTGEN Gilbert I. Gapay na ang hangarin nitong isama ang social media sa implementing rules and regulations (IRR) ng batas ay paniniguro lamang na hindi ito mapagsasmantalahan ng mga terorista sa pangangalap ng mga miyembro at panghihingi ng materyal na suporta sa mga lokal man o dayuhan.
Ang rekomendasyon ay galing sa naging karanasan na ng bansa sa pagsugpo sa mga teroristang kumubkob sa Marawi na nagdulot ng pagkamatay ng marami at pagkasira ng bilyong halaga ng imprastruktura sa bansa kasama na ang milyun-milyong mga pribadong pag-aari.
Alam din ng AFP na ang rekomendasyon ay isa lamang sa ikokonsidera alinsunod na rin sa mga umiiral na batas.
Kasabay nito ang pagtitiyak ng ahensyang hindi ito magiging hadlang sa kalayaang makapagpahayag ninuman.