BAGUIO, BORACAY BUKAS NANG MULI PARA SA MGA TURISTA

Ni Raiza F. Cabugwang
Photo credit: pna.gov.ph
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Simula ngayong araw, Oktubre 1, handa nang muling tumanggap ng mga bisita ang Baguio City at Boracay, ilang buwan makalipas suspendihin ang turismo sa nasabing mga lugar bunsod ng banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Gayunpaman, may mga panuntunan na inilatag ang pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mga turista at mamamayan sa itinuturing na dalawa sa pinakadinadayong pook-pasyalan sa bansa.

Ayon pa kay Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat, “The DOT will work closely with the IATF and the local governments to ensure that health and safety protocols will not be compromised as we slowly but surely open up tourism for domestic visitors in destinations.”

Sa Baguio City, umiiral ang tinatawag na “travel bubble” kung saan bukas lamang ang kanilang turismo sa mga piling lugar tulad ng Ilocos provinces, La Union, at Pangasinan.

Bago payagang makabiyahe patungo sa itinuturing na summer capital ng bansa, ang turista ay kinakailangang bumisita sa visita.baguio.gov.ph at i-upload ang mga mahahalagang dokumentong tulad ng negative COVID-19 test result na dapat ay isagawa sa loob ng 48 oras bago magtungo sa lugar, hotel booking, at travel itinerary. Kinakailangan ding sagutan ang health form sa website.

Matapos maaprubahan ay bibigyan ang turista ng QR-coded Tourist Pass (QTP) na magsisilbing electronic ID nito habang nasa Baguio.

Pagkarating ng Baguio, kinakailangang ipakita ang QTP sa border police na siya namang maghahatid sa turista patungo sa Baguio Convention Center. Sa convention center ay sasailalim ang turista sa triage para sa karagdagang health screening.

Pagdating ng turista sa hotel, kinakailangang gamitin ang QTP sa pag-check-in upang masigurado ang contactless transaction.

Kinakailangan ding kumuha ng accredited na tour guide ang bibisita sa “City of Pines” upang masigurong sinusunod ng bisita ang kaniyang itinerary. Ipinagbabawal ang pagbisita sa mga lugar na hindi kasama sa nakasaad sa travel itinerary ng turista. Hindi rin maaaring makisalamuha sa mga residente ng Baguio o kaya naman ay magtungo sa kanilang mga kamag-anak ang mga turista.

Bukas ang mga pook pasyalan sa lugar ngunit ipinagbabawal sa mga turista ang pagtungo sa Baguio Central Market.

Nasa 200 na turista lang ang maaaring makapasok sa lugar sa anumang oras at maaari lamang silang manatili ng hanggang limang araw. 

Ibayo rin ang ginagawang pag-iingat ng pamahalaan sa gitna ng pagbubukas ng turismo sa Boracay.

Ang mga mamamayan na nananatili sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine at modified general community quarantine lamang ang maaaring magtungo sa isla.

Ang turista ay kinakailangan ding magnegatibo sa reverse polymerase chain reaction test na dapat ay isinagawa sa loob ng dalawa o tatlong araw bago ang pagbisita sa lugar.

Hinikayat din ni Tourism Secretary Puyat na manatili sa bahay ang indibidwal na nakatakdang bumisita sa isla matapos itong sumailalim sa swab test upang masigurong siya ay ligtas laban sa virus bago magtungo sa kaniyang destinasyon.

Nararapat ding mayroon nang hotel booking ang bisita bago pa man siya makarating sa isla. Sa check-in counter, ang bisita ay kukuhanan naman ng kaniyang temperatura, at kinakailangang sagutan ang health declaration form. 

Ang mga establisyimento ay kinakailangan namang may sanitizing mats. Mayroon din silang COVID-19 hotline upang maging madali ang kanilang pakikipag-ugnayan sa health officials.

Ang Caticlan airport lamang ang magiging bukas sa publiko at magkakaroon ng isolation facility rito para sa mga kakikitaan ng sintomas ng virus.

Ang mga magkakaroon ng sintomas ay dadalhin sa pinakamalapit na isolation facility at susuriing muli. Kung sila ay magnegatibo, maaari na silang tumuloy sa kanilang destinasyon. Kung sila naman ay magpositibo, kinakailangang lisanin nila ang lugar.

Dapat ding magsuot ng face mask at sumunod sa iba pang health protocols ang mga bisita, tulad ng paghuhugas ng kamay at physical distancing.

Ang mga banyagang turista naman ay maaaring makapasok sa isla basta’t sila ay nasa loob lamang ng bansa.

Hindi naman limitado ang bilang ng maaaring makapasok na turista sa Boracay, at maaari rin silang makabili ng hanggang dalawang baso o bote ng alcoholic drink sa lugar.

Ayon pa kay Sec. Puyat, ang sektor ng turismo ang pinakaapektado ng pandemya. Nasa P1.6 bilyong piso aniya ang luging natamo nito, kaya’t dahan-dahang isinasabuhay ito ng pamahalaan habang ipinapatupad pa rin ang health protocols at iba pang mahahalagang alituntunin para maiwasan ang paglaganap ng virus.

Maaari namang bawiin ang naturang desisyon ng pamahalaan sa oras na may makitang pag-angat sa bilang ng kaso ng COVID-19 bunsod nito.

“Kung mayroong pagtaas, then we have to revisit this decision,” saad ni National Task Force Against COVID-19 Chairman Delfin Lorenzana.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.