Bayanihan 2 aprubado na ng Bicam committee

Ni Raiza F. Cabugwang

Naaprubahan na noong Agosto 20 ng Bicameral Conference Committee ang pinal na bersyon ng Bayanihan to Recover as One Bill o mas kilala sa tawag na Bayanihan 2, kung saan nakapaloob ang alokasyon ng pondong ilalaan upang muling buhayin ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ayon kay Senator Sonny Angara, pinuno ng Senate Finance Committee, mas pagtutuunan ng pansin ng Bayanihan 2 ang pagsasalba sa ekonomiya ng bansa at hanapbuhay ng mga mamamayan.

P165.5 bilyon ang nakalaang pondo sa ilalim ng panukalang-batas na ito, kung saan P140 bilyon ang handa nang magamit, samantalang aalamin pa ng pamahalaan ang pagkukunan ng natitirang P25.5 bilyon na magsisilbi namang standby fund.

Ang mga sumusunod ay ang paglalaanan ng nakahandang P140 bilyong pondong nakasaad sa Bayanihan 2:

  • P13.5 bilyon ang mapupunta sa pag-iempleyo ng healthcare workers, at buwanang risk allowance, actual hazard pay, life insurance, mga tutuluyan, transportasyon, at pagkain para sa healthcare workers;
  • P3 bilyon ang ilalaan para sa pagbibigay ng personal protective equipment sa lahat ng healthcare workers, barangay officials, at mga mamamayang itinuturing na “indigent”;
  • P4.5 bilyon para sa pagpapatayo ng isolation at quarantine facilities, field hospitals, mga dormitoryo para sa frontliners, at sa pagpapalawig ng kapasidad ng mga pampublikong hospital sa bansa;
  • P13 bilyon naman para sa cash-for-work programs ng pamahalaan, at unemployment o involuntary separation assistance para sa displaced workers, freelancers, self-employed, at Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng deployment ban ng gobyerno;
  • P39.5 bilyon ang ibabahagi sa government financial instutions, kung saan P5 bilyon ang ilalaan para sa credit guarantee program; P18.4 bilyon sa Land Bank of the Philippines (LBP), at P6 bilyon sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa kanilang pautang sa mga manggagawa at negosyanteng apektado ng pandemya; at P10 bilyon para sa COVID-19 Assistance to Restart Enterprises na programa ng Small Business Corporation sa ilalim ng Department of Trade and Industry kabilang na ang P6 bilyong ipamamahagi sa tourism micro, small and medium enterprises;
  • P24 bilyon ang iuukol sa subsidiya para sa mga magsasaka, mangingisda, at agri-fishery enterprises at kooperatiba, para mapondohan ang “Plant, Plant, Plant” na programa ng Department of Agriculture;
  • P9.5 bilyon para sa Department of Transportation kung saan P2.6 bilyon dito ang ilalaan sa transport businesses na lubhang apektado ng pandemya; P5.6 bilyon naman para sa temporaryong hanapbuhay ng mga tsuper ng Public Utility Vehicles; at P1.3 bilyon para sa pagpapagawa ng sidewalks at bicycle lanes, at pagbili ng mga bisikleta at iba pang mga gamit na ilalaan para sa sharing at lending programs;
  • P100 milyon para sa training at subsidiya para sa mga tourist guide;
  • P3 bilyon para umagapay sa pagpapagawa ng smart campuses ng state universities at colleges ng bansa;
  • P600 milyon para sa subsidiya at allowances ng mga kwalipikadong mag-aaral at part-time faculty sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pampribadong eskwelahan;
  • P300 milyon para sa subsidiya at allowances ng mga guro, non-teaching personnel, at part-time faculty sa lahat ng antas ng mga paaralan sa bansa;
  • P1 bilyon naman ang iuukol para sa programa ng Technical Education and Skills Development Authority para sa displaced workers;
  • P6 bilyon ang ipopondo para sa food at livelihood assistance grants ng Department of Social Welfare and Development na ilalaan sa mga lugar na nakasailalim sa hard lockdown;
  • P4 bilyon para sa digital at alternative learning modalities ng Department of Education, kabilang na ang pag-imprenta at pamamahagi ng self-learning modules;
  • P1.5 bilyon para magbigay-ayuda sa Local Government Support Fund ng local government units;
  • P180 milyon para sa allowances ng national athletes at coaches;
  • P820 milyon para sa pagpapabalik at medical assistance ng OFWs, at pag-uuwi ng mga labi ng OFWs na nasawi bunsod ng COVID-19;
  • P4 bilyon para sa turismo kung saan P1 bilyon dito ang nakatakda para sa mga imprastrukturang pangturismo na ilalaan sa Department of Public Works and Highways, at P3 bilyon naman ang ibibigay sa Department of Labor and Employment para matulungan ang tourism sector workers na nawalan ng trabaho;
  • P4.5 bilyon para sa pagpapatayo at pagpapanatili ng kaayusan ng isolation facilities;
  • P5 bilyon para sa pag-iempleyo ng Department of the Interior and Local Government ng 50,000 contact tracers;
  • P2.5 milyon ang ilalaan para sa computer-based licensure exam na isasagawa ng Professional Regulation Commission;
  • P2 bilyon para sa pagbabayad ng interes ng mga utang ng local government units;
  • P10 milyon naman para pondohan ang pananaliksik na ginagawa ng Health Technology Assessment Council hinggil sa COVID-19; at,
  • P15 milyon para sa pagtatatag ng University of the Philippines Diliman Institute of Mathematics ng computational research laboratory upang makapagsagawa ng mas malawak na data analysis ukol sa COVID-19 at sa pananaliksik hinggil sa iba pang pandemya.

Ang P25.5 bilyong standby fund naman ay ilalaan para sa mga sumusunod:

  • P10 bilyon para sa COVID-19 testing, medication, at vaccine;
  • P9 bilyon para suportahan ang wholesale banking at equity infusion ng LBP na may kinalaman sa pagpapautang sa mga manggagawa at negosyanteng apektado ng pandemya;
  • P6.5 bilyon para suportahan ang wholesale banking at equity infusion ng DBP na may kinalaman sa pagpapautang sa mga manggagawa at negosyanteng apektado ng pandemya; at
  • iba pang mga programa at aktibidad na pinapayagan sa ilalim ng Bayanihan 2.

Sa oras na malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan 2, magkakaroon ito ng bisa hanggang Disyembre 19 ng taong ito.

Ikinalugod naman ng Palasyo ang mabilis na pagpasa ng naturang panukalang-batas.

“Nagagalak po kami na napakabilis po ng pagpasa ng Bayanihan 2. We are thankful for the cooperation extended by both houses of Congress,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sa ilalim ng Bayanihan 2, kinakailangan ding magpasa ang Pangulo ng buwanang ulat sa Kongreso at sa Commission on Audit hinggil sa implementasyon nito at sa paggamit ng nakalaang pondo.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.