Agosto bente-singko ang kaarawan ng isang lolo sa Caloocan.
Pero alam n’yo bang ito rin ang araw ng kanyang ‘panibagong buhay’?
Agosto 25 din kasi ng ideklara ng mga doktor na ‘Covid-free’ na ang 96-year-old na senior citizen.
Isang dahilan pa para s’ya magsaya, gumaling din sa kaparehong sakit ang kanyang anak.
Kaya naman nag-uumapaw ang saya ng matanda at ng kanyang buong pamilya.
Triple celebration, ika nga.
Ayon sa matanda, masigasig mag-alaga ang mga doktor at staff sa Kanlungan Quarantine Facility kung kaya’t walang dahilan para ‘di s’ya agad gumaling.
Nang makalabas sa pasilidad ang mag-ama, agad nagpaabot ng pagbati si Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan.
“Ang paggaling ng isang 96 years old mula sa COVID-19 ang patunay na may pag-asa ang bawat laban kontra sa virus na ito kahit ano pa ang iyong edad. Sana’y magsilbing inspirasyon ang kanyang paggaling para sa lahat ng mga lumalaban ngayon sa COVID-19 upang huwag sumuko at maging isang inspirasyon din ito sa amin upang ipagpatuloy at pag-igihan pa ang mga programa ng pamahalaang lungsod laban sa COVID-19,” pahayag pa ni Mayor Oca.
Bilang pagdiriwang, naghanda ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng pagkain na mapagsasaluhan ng kanilang pamilya. Nakatanggap rin si lolo ng prutas, kalakip ang kaunting halaga mula sa lungsod.
Batay sa tala ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), ipinanganak ang nasabing senior citizen noong Agosto 25, 1924.