Muling isinara sa publiko ang emergency room (ER) ng Caloocan City Medical Center (CCMC) South matapos pumalo sa 61 ang bilang ng mga empleyado nitong nagpositibo sa COVID-19.
Mula 12:01 ng madaling araw ng Agosto 1 hanggang 11:59 ng Agosto 14 ay sarado ang ER ng CCMC bagama’t patuloy pa rin ang operasyon ng Out-Patient Department (OPD) ng ospital sa Old City Hall Plaza. Bukas pa rin naman ang OPD ng CCMC North samantalang patuloy rin ang pagbibigay ng atensyong-medikal para sa mga pasyenteng naka-admit na.
Sa kasalukuyan ay naka-quarantine na ang mga apektadong empleyado. Ipinag-utos na rin ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga ito.
Samantala, gawa na rin ng “overflowing” ng bilang ng COVID-19 patients sa naturang ospital, nakiusap na si CCMC Administrator Dr. Fernando Santos sa publiko na dalhin na sa iba ang mga suspected o kumpirmadong positibo sa COVID-19.
Unang nagsara ang CCMC noong Hulyo 18 nang isang linggong dinekontaminahan ang ospital gawa na rin ng ilang mga nauna nang nagpositibong empleyado nito.