Ipatutupad ng Department of Transportation (DOTr) ang cashless transactions sa toll expressways upang limitahan ang human-to-human interaction dahil sa nakahahawang COVID-19 habang pinaluluwag ang pila ng mga sasakyan sa toll plazas.
Sa ilalim ng Department Order 2020-012 na pirmado noong Agosto 13, inatasan ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang Toll Regulatory Board, Land Transportation Office, at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na maglabas ng mga prosesong magpapatupad sa bagong polisiya ng departamento. Sisiguruhin ng bagong kautusan ang pagsunod ng pampublikong transportasyon sa mandatory installation ng electronic tags o paggamit ng cashless systems sa mga pampublikong sasakyan.
“We carry with us the burden of ensuring that our transport facilities will not be a transmission vector of the disease, while at the same time, providing an efficient system of public transport. With both tasks at hand, there is a need to strike a balance. Requiring contactless transactions is one of our ways of doing it. And in achieving the balance, naiintindihan natin na hindi laging magiging madali sa umpisa. If there will be initial inconveniences, let us look forward to the long-term benefit of it,” paliwanag ng kalihim.
Ipatutupad ang cashless transactions sa South Luzon Expressway (SLEX), Manila-Cavite Toll Expressway (Coastal Road), North Luzon Expressway (NLEX), South Metro Manila Skyway, Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at sa iba pang road networks, kasama na ang extensions ng mga nabanggit na expressways.