

LOCAL
Ni Ivy Atompag

Photo: PNA
Prayoridad ng lungsod ng Maynila ang pagbibigay ng COVID-19 vaccines sa mga medical frontliner sa pagsisimula nito ng vaccine rollout ngayong araw.
Kahapon ay dumating na ang 3,000 doses ng bakuna mula Sinovac sa COVID-19 Vaccine Storage Facility ng lungsod sa Sta. Ana Hospital.
“Ngayon, natanggap na namin ‘yung para sa local government hospitals, tomorrow we are going to have vaccination of our medical frontliners,” saad ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kahapon.
Pitong buwan nang naghahanda ang lokal na pamahalaan ng Maynila para sa rollout ng bakuna at umaasa umano si Mayor Isko na masusunod ang lahat ayon sa kanilang plano.
Unang tatanggap ng bakuna ang mga medical frontliner alinsunod sa direktiba ng pamahalaan at IATF-EID.
Sa kabila nito, nilinaw ng Mayor na hindi sila babakunahan ng Sinovac nang labag sa kanilang kalooban.
Ang mga papayag umanong magpabakuna ng Sinovac ay tatanggapin hanggang may suplay.
“Those who will change their mind later on at kung wala namang supply ng bakuna, they would need to wait kaya ako payo ko huwag nilang sayangin yung pagkakataon na meron nang bakuna ngayon dito sa atin sa lungsod na matagal na naman nating inaasam,” ani ng mayor.
Nauna nang sinabi ni Mayor Isko sa isang talumpati sa Philippine General Hospital na handa siyang tumanggap ng unang dose ng bakuna mula sa Sinovac tulad ng ginawa ng ibang opisyal ng gabinete sa pagsisimula ng rollout ng national vaccination program sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila.
Ayon sa kaniya, gagawin niya ito upang lalong makumbinsi ang publiko sa kakayanan ng COVID-19 vaccine at mahiyakat na magrehistro ang mga ito para sa bakuna.
Gayunpaman, pinaalalahanan niya pa rin ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum health safety protocols.
