LUNGSOD NG QUEZON — Kumpiyansa pa rin si Philippine National Police (PNP) Chief PGEN Archie Gamboa sa Jolo Police Station bagama’t may panawagan na palitan ang buong kapulisan matapos ang twin bombings sa Jolo, Sulu noong Lunes, Agosto 24.
“Unless there is sufficient evidence establishing criminal involvement or administrative lapses leading to the attack, the PNP maintains full confidence in our ground personnel,” pahayag ng PNP Chief.
Kasama ang Philippine Bomb Data Center at Crime Laboratory ng PNP sa gumugulong na imbestigasyon sa kaso sa pag-uutos na rin ng hepe ng pulisya.
Gagamitin ang bomb signature na makukuha sa forensics sa pagtukoy ng posibleng nasa likod ng mga pagsabog.
Sa kabilang banda, suportado rin ng hepe ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Army Chief LTGEN Cirilito Sobejana na isailalim ang buong Sulu sa martial law dahil sa twin blastings.
“This will allow the military and police more operational flexibility to carry out law enforcement operations against domestic threat groups in the area,” paliwanag ng Chief PNP.
Binigyang-direktiba na rin ni PNP Chief Gamboa sina PNP Special Action Force Director PMGEN Clifton Empiso at Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Regional Director PBGEN Manuel Abu na dagdagan ang pwersa ng PNP sa Sulu.
Sa magkahiwalay na tala ng PNP at AFP, pumatay sa 15 katao ang pagsabog kabilang na ang 1 pulis, 8 sundalo, at 6 sibilyan. Napaulat namang nasugatan ang 74.
Sinundan ng pangalawang pagsabog sa hindi kalayuan ang nauna nang eksplosiyon ng improvised explosive devices sa harap ng Paradise Enterprises sa Brgy. Walled City, Jolo, Sulu habang rumeresponde ang Jolo PNP at AFP sa lugar.