COMELEC WEBSITE HANDA NANG MAGPROSESO NG VOTERS’ REGISTRATION, RECORDS UPDATING PARA SA HALALAN 2022

Ni Raiza F. Cabugwang
Photo courtesy of irehistro.comelec.gov.ph
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Sa pamamagitan ng Commission on Elections (Comelec) online portal, ang mga nais makaboto sa darating na halalan sa 2022 ay maaari nang magsumite ng kanilang aplikasyon o ayusin ang kanilang registration records. 

Sa tulong ng Comelec iRehistro, na maaaring ma-access sa pamamagitan ng  website na irehistro.comelec.gov.ph, maaari nang makapagrehistro ang mga Pilipinong karapat-dapat na makaboto.

Sa naturang website, maaaring makapagsumite ng kanilang aplikasyon ang mga bago pa lamang na magpaparehistro, maglipat o i-reactivate ang record ng botante, at baguhin ang pangalan o iwasto ang mga detalyeng nakasaad sa voter’s record. 

Maaari ring iproseso sa naturang online portal ang mga kahilingan na maisama ang record ng isang indibidwal sa book of voters at maging ang pagbabalik ng pangalan ng isang indibidwal sa listahan ng mga maaaring bumoto.

Ang mga magsusumite ng kanilang aplikasyon sa unang pagkakataon ay hihingan ng iRehistro ng mga personal na detalye tulad ng buong pangalan, petsa at lugar ng kapanganakan, kasarian, civil status, citizenship, at tirahan. Kinakailangan ding ipagbigay-alam sa website kung ang magpaparehistro ay isang senior citizen, may kapansanan, katutubo, o hindi marunong bumasa at sumulat.

Sa hulihan ng form, ang magpaparehistro ay maaari nang makapagtakda ng appointment kung kailan niya nais bumisita sa lokal na opisina ng Comelec upang siya ay makuhanan ng biometrics, tulad ng fingerprints at pirma.

Matatandaan na noong Setyembre 1 ng taong ito ay muling binuksan ng Comelec ang pagpaparehistro sa mga mamamayang nais makaboto sa susunod na eleksyon. 

Papayagang makapagtala ang mga Pilipinong may edad 18 na taong gulang pataas sa Mayo 9, 2022, ang mismong petsa ng darating na halalan. Ang nais bumoto ay nararapat ding residente ng Pilipinas ng hindi bababa sa isang taon at dapat ay naninirahan sa lugar kung saan siya ay boboto ng hindi bababa sa anim na buwan.

Maaaring tumanggap ng aplikasyon ang Comelec ng hanggang Setyembre 2021.

Gayunpaman, sinabi ng ahensya na nangangasiwa sa pagpaparehistro ng mga botante na ang pagsusumite ng mga magpaparehistro ng kinakailangang forms online ay hindi nangangahulugang agad nang aprubado ang kanilang aplikasyon.

Ayon sa nakasaad sa Comelec iRehistro website, ang mga nais magparehistro ay kinakailangan pa ring pisikal na magtungo sa opisina ng Comelec o sa Philippine embassy o konsulado at magdala ng tatlong pisikal na kopya ng kanilang online application forms. Matapos nilang isumite ang naturang forms ay ipoproseso na ang Quick Response o QR scanning ng kanilang dokumento at sila ay kukuhanan ng biometrics para makumpleto na ang kanilang aplikasyon.

Bukas ang mga tanggapan ng Comelec ng Lunes hanggang Huwebes, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Ang araw naman ng Biyerne ay nakalaan para sa disinfection ng mga opisina kaugnay sa umiiral na pandemya.

Pansamantalang ititigil naman ang naturang proseso sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ. 

Ang Election Registration Board naman ng Comelec ang siyang magpapasya hinggil sa pag-apruba ng mga aplikasyon. Ang mga nakabinbing aplikasyon ay tinatalakay sa quarterly hearings ng board na ginaganap tuwing ikatlong Lunes ng Enero, Abril, Hulyo, at Oktubre ng bawat taon.

Samantala, nauna nang inanunsyo ng Comelec na hindi ito mag-aalok na gawin ang kumpletong proseso ng voters’ registration sa website nito dahil sa kinakailangang personal umanong kuhanan ng biometrics data ang mga indibidwal na magpaparehistro.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.