Mula 14 percent, bumagsak sa 8 percent ang COVID-19 positivity rate sa Metro Manila kumpara noong Agosto. Ayon sa University of the Philippines-OCTA Research team, nangangahulugan ito ng pagbaba ng kaso ng nagkakasakit. Mas mababa na kasi sa 1,000 bagong kaso kada araw ang naitatala ng DOH sa National Capital Region (NCR).
Bagamat nananatili itong mataas sa ideal rate ng World Health Organization (WHO), magandang datos na raw ito sa pagharap ng bansa sa pandemya.
Nasa 2,500 kada araw naman ang naitatalang bagong kaso sa buong bansa na mas mababa rin kumpara sa 4,000 noon ding Agosto.
“The reproduction number in the Philippines is 0.87, in line with the downward trend in test reports. A reproduction number below 1 means a flattened curve.”
Ang ulat ay naka-angkla sa daily reports ng COVID-19 cases sa bansa mula Agosto 25 hanggang Oktubre 5.
Pero ayon kay Prof. Guido David ng UP-OCTA, kailangang sumabay dito ang ibang bahagi ng bansa.
Sa datos, pataas pa rin ang bilang ng nagkaka-COVID-19 sa Davao del Sur, Iloilo, Misamis Oriental, South Cotabato, Surigao del Sur, Western Samar, Zamboanga del Sur, Benguet, Baguio City, Nueva Ecija, Quezon, at Pangasinan.
Dagdag pa ni David, malaking bagay sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa NCR ay ang pagsunod sa minimum health protocols tulad ng social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield kasabay ng unti-unting pagluluwag sa quarantine at pagbubukas ng ekonomiya.