Nagbabala ang Civil Service Commission (CSC) sa publiko hinggil sa review classes at reviewers na ibinebenta gamit ang pangalan ng Komisyon.
Ayon sa CSC, hindi naglalathala ng reviewers ang kanilang tanggapan at hindi nito binigyang-pagkilala ang alinmang review centers para sa career at civil service examinations.
Napag-alaman ng ahensya na mayroong reviewers na ibinebenta online at sa bookstores na nagsasaad na hinanda ang mga ito ng mga nanguna sa naturang mga pagsusulit o exam topnotchers.
“May we advise again the public that the CSC neither holds any review classes nor publishes or distributes any review materials for the Career and any Civil Service examinations. Further, the CSC does not accredit and has not accredited any review center for the purpose of offering and holding review classes to prospective career service examinees,” pahayag ng CSC.
Dagdag pa nito, hindi rin anila pinahihintulutan ang sinuman na gamitin ang logo ng kanilang opisina para sa review materials. Maaari rin anilang managot sa batas ang sinumang magtatangkang gamitin ang kanilang logo, para magbenta o maging sa alinmang kadahilanan, nang walang pahintulot.
Anang Komisyon, ang pagbili o pagkuha ng nasabing mga produkto o serbisyo ay may kaakibat na panganib.
Suspendido ang licensure at civil service examinations mula pa noong nakaraang taon bunsod ng Coronavirus disease 2019 o COVID-19.