Umabot na sa 69 katao ang nasawi sa pananalasa ni Bagyong Ulysses noong nakaraang linggo ayon sa pinakahuling ulat ni Usec. Ricardo Jalad, Executive Director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo ng umaga, Nobyembre 15.
Sa tala ng NDRRMC, nagmula ang mga nasawi sa anim na rehiyon sa Luzon kabilang ang Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Cordillera Administrative Region, at National Capital Region. Tanging ang Ilocos Region ang walang naitalang casualty sa nagdaang bagyo.
Iniulat din ni Usec. Jalad na sa kasalukuyan, mula sa Cagayan ang pinakamaraming bilang ng nasawi dulot ng Bagyong Ulysses subalit aniya, wala pang official numbers na inilabas kaugnay dito.
Sa naunang ulat ng NDRRMC, umabot sa 21 katao ang nagtamo ng pinsala dulot ng bagyo sa mga lugar ng Cagayan Valley, CALABARZON, Bicol Region, CAR. Samantala, 12 katao pa ang naitalang nawawala mula sa lugar ng CALABARZON, Bicol Region, at Metro Manila.
Tinatayang 286,000 pamilya o 1.1 milyong indibidwal ang naapektuhan ni Bagyong Ulysses sa buong bansa.
Kaugnay nito, nag-iwan naman ng 1.19 bilyong pisong agricultural damage si Bagyong Ulysses habang 469.7 milyong piso naman ang pinsala sa mga imprastraktura. Aabot sa 25, 852 kabahayan ang napinsala ng bagyo.