DEPED PINALAWIG ANG EARLY REGISTRATION SA MGA PAMPUBLIKONG PAARALAN HANGGANG MAYO 31

Ni Raiza F. Cabugwang
Photo courtesy of pna.gov.ph
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Pinalawig ng Department of Education (DepEd) ang early registration para sa mga mag-aaral ng Kindergarten at Grades 1, 7, at 11 sa mga pampublikong paaralan hanggang sa katapusan ng buwan.

Naunang itinakda ang naturang pagpapatala hanggang sa Abril 30, 2021 lamang.

Sa pinakahuling datos ng DepEd, mahigit 4.2 milyong estudyante na ang nakapagpatala sa early registration nito na nagsimula noong Marso 26, 2021.

Pinakamarami sa mga nagpatala ay mga estudyanteng tutungtong ng Grade 1, na umabot na sa 1,490,647. Sinundan naman ang bilang na ito ng mga estudyanteng nagpatala para sa Grade 7, na umabot sa 1,049,298; Kindergarten, na nasa 919,428 na mga mag-aaral, at Grade 11 na pumalo sa 794,768 na mga estudyante.

Ang mga mag-aaral na tutungtong ng Grade 2 hanggang 6, Grade 8 hanggang 10, at Grade 12 ay kinokonsiderang pre-registered na at hindi na kinakailangan pang sumailalim sa proseso ng early registration.

Ayon sa DepEd, maaaring isagawa ang nasabing early registration online o sa pamamagitan ng text. Samantala, kinakailangan pa ring sumunod sa public health standards at safety protocols sa pagpapatala naman sa mga paaralan at barangay na may mababang kaso ng Coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Nauna nang pinayagan ng Kagawaran ang mga  school division superintendent na magpatupad ng full remote early registration kahit sa mga lugar na nakapailalim sa modified general community quarantine batay sa risk assessment level sa mga ito.

Pinaalalahanan ni DepEd Undersecretary for Planning and Human Resource and Organizational Development, and Field Operations Jesus Mateo ang DepEd field offices na maaaring gumamit ng online platform o drop boxes sa pagsasagawa ng nasabing early registration.

“Similar to the previous year, early registration forms will be available in barangay halls and other public spaces. An early registration dropbox will be made available for parents or guardians to collect and submit the forms in these identified places,” pahayag ng opisyal.

Samantala, mga magulang o tagapag-alaga lamang ng mga mag-aaral ang papayagang pumunta sa mga lugar na pinahihintulutan ang pagpapatala mismo sa early registration sites.

Sinabi rin ni Usec. Mateo na nararapat na magkaroon ng hotlines ang DepEd regional at division offices upang sila ay makapagbigay ng tulong sa mga paaralan hinggil sa mga polisiya at proseso kaugnay sa nabanggit na early registration.

Hinihikayat din ang mga eskwelahan na magkaroon ng hotlines at ibigay sa publiko ang kanilang opisyal na mga detalye hinggil sa kanilang paaralan upang masagot ang mga katanungan kaugnay sa naturang pagpapatala.

Pinaalalahanan din ng DepEd ang mga paaralan tungkol sa mahigpit na pagpapatupad ng cutoff sa edad ng mga batang papasok sa Kindergarten. Ayon sa polisiya ng Kagawaran, kinakailangang nasa limang taong gulang na ang bata pagsapit ng Agosto 31, 2021 kung siya ay papasok sa darating na school year na magsisimula sa Agosto. 

Isinasagawa ang early registration para sa mga mag-aaral na papasok ng Kindergarten, at Grades 1, 7, at 11 upang makapaghanda ang DepEd at mga paaralan para sa parating na school year.

Layon din nitong mahanap, matukoy, at maitala ang mga out-of-school youth at mga batang may kapansanan, may malubhang karamdaman o problema na may kinalaman sa kanilang nutrisyon, mga batang biktima ng pang-aabuso o pananamantala, iyong mga may pananagutan sa batas, at maging mga batang lansangan.

Hinihikayat din sa ilalim ng nasabing pagtatala ang mga paaralan, mga lokal na opisyal, at iba pang kasapi ng komunidad na tulungan iyong mga batang biktima ng kalamidad, iyong mga nakatira sa mga malalayo o mahirap na maabot na mga lugar, iyong mga hindi rehistrado o dokumentado sa kanilang mga lugar, at iyong mga out-of-school youth o mga batang tumigil na sa pag-aaral pero nais na makabalik muli.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.