Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na iwasan ang mga gawaing hindi makabubuti sa kalusugan, tulad na lamang ng pag-inom ng alak bago at matapos maturukan ng bakuna laban sa COVID-19.
Iginiit ni DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malakas na immune system kapag magpapabakuna.
Kamakailan lamang ay pinaalalahanan ng isang opisyal mula sa Russia ang mga magpapabakuna ng Sputnik V vaccine na iwasang uminom ng alkohol dalawang linggo bago ang mismong araw ng pagpapabakuna at patuloy na isagawa ito ng karagdagang 42 na araw matapos mabakunahan.
Ayon kay Health Undersecretary Vergeire, ang nasabing payo ay isang hakbang lamang upang siguruhing mas magiging maingat ang mga magpapabakuna.
“We all know that when you drink alcohol, especially if you drink it too much, bumababa po ang immunity natin,” ani Vergeire sa isang press briefing.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng Kagawaran, para maging mabisa ang bakuna, kinakailangang maging malakas ang immune system ng isang indibidwal upang makabuo ng maayos na antibody ang katawan na siyang tutulong dito sa paglaban sa mga bacteria, virus, at iba pang mga nakapipinsalang bagay.
“I think this is not something bad, and I think people should heed this call para lang po mas magkaroon ng mas magandang epekto ang ating bakuna. Iwasan muna natin yung mga nakakasama sa ating katawan,” pagpapatuloy ni Vergeire.