Bagamat wala pang konkretong pag-aaral tungkol sa posibilidad na airborne ang virus, naglabas na ng panuntunan ang Department of Health (DOH) tungkol sa wastong bentilasyon para sa indoor at outdoor spaces.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang bagong protocol na ito ay idadagdag sa kasalukuyang minimum health standards at isa sa mga nakikitang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
“While there is still no conclusive evidence of airborne transmission of COVID-19, we recommended that to be sure there should be proper ventilation in enclosed spaces like workplaces, comfort rooms and vehicles”, paliwanag ni Usec. Vergeire.
Kamakailan, inilabas ng DOH ang Memorandum No. 2020-0429 na naglalayong himukin ang publiko na isagawa ang kanilang mga aktibidad sa lugar na mayroong “open air spaces”.
Nagbigay-babala din ang DOH na iwasan ng publiko ang hangin na direktang nagmumula sa electric fans at air-conditioners. Anila, mas bibilis ang transmission ng virus sa pamamagitan ng mga ito.
Bukod pa rito, mas mainam din umanong isara ang toilet seat sa pag-flush at buksan ang exhaust fan upang mabawasan ang pagkalat ng droplets sa hangin at kung maaari, ibaba ang bintana ng mga sasakyan upang magkaroon ng natural ventilation.
“Avoid using the re-circulated air option for the car’s ventilation during passenger transport. Utilize car vents to bring in fresh outside air and/or lower the vehicle windows”, paalala ng DOH.
Nilinaw din ni Usec. Vergeire na parte ang rekomendasyong ito ng non-pharmaceutical interventions ng DOH laban sa COVID-19.