Plano ng Department of Health (DOH) na magkaroon ng backup na listahan ng mga taong tuturukan ng bakuna laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sakaling may mga hindi tumuloy o hindi makapunta sa kanilang nakatakdang vaccination schedule.
Kung mayroong 800 na indibidwal na babakunahan sa isang araw, nais ng DOH na mayroong 200 na pangalan na nakalagay sa quick substitution list na nakahandang magtungo sa vaccination site sa oras na mayroon ngang mag-backout mula sa mga orihinal na nakatakdang bakunahan sa araw na iyon.
“Gusto lang natin makasigurado na kung sakali dumating tayo sa day of vaccination, and we will have refusals, at least, we have this reserve 20%,” pahayag ni Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.
Nakatakda pang magbigay ng panuntunan ang mga opisyal ng pamahalaan para sa nasabing substitution list, pero ani Vergeire, magiging alinsunod ito sa listahan ng mga nais bigyang-prayoridad ng gobyerno sa pagbabakuna.
Kinakailangang magsumite ng mga ospital at lokal na pamahalaan ng quick substitution list upang maiwasan na masayang ang COVID-19 vaccines.