Sa bulletin na inilabas ng Philippine Genome Center (PGC) ng University of the Philippines noong nakaraang linggo, kinumpirma nito na may bagong strain ng SARS-CoV-2 sa bansa o ang virus na sanhi ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang bagong strain na ito ay ang D614G na naitala sa Pilipinas noong Marso. Ito rin ang pangunahing coronavirus strain na kumakalat ngayon sa buong mundo.
Dahil sa naganap na mutation ng virus, nagbago ang spike protein nito o ang mga nakausling bahagi na ginagamit ng virus para pumasok sa mga human cell.
Dagdag pa ng research facility, mas mataas ang viral Ribonucleic acid o RNA ng D614G kung kaya’t maaaring mas mabilis itong makahawa.
Base rin sa artikulong inilabas ng World Health Organization, halos lahat daw ng strain na nag-mutate sa D614G ay mas mabilis ang pagdami.
Bagama’t kumpirmadong nasa bansa na ang COVID-19 subtype na D614G, hindi pa malinaw kung ano ang estado ng mutation ng virus, lalo pa’t lahat ng sample na sinuri ng mga eksperto ay galing lamang sa Quezon City.
Ayon pa sa PGC, wala pang konkretong patunay na mas nakahahawa ang carriers ng D614G at wala rin silang naobserbahang malaking pagbabago sa lagay ng pasyente kaugnay nito.
Gayunpaman, sinabi ng PGC na kinakailangan pa ring ipagpatuloy ang pagmonitor sa nasabing mutation upang lalo itong maintindihan at maipagbigay-alam ang tamang pagkontamina, pagsusuri, at paggagamot.
Pinag-iingat naman ng Department of Health (DOH) ang publiko kaugnay rito.
Samantala, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nangangalap pa rin ng sapat na ebidensya ang DOH para masuportahan ang nasabing ulat at maisagawa ang mga hakbang upang matugunan ang banta nito.
“There are these specific circumstances within the virus and its processes that made it more infectious. But of course, we are still gathering more evidence for this, so we can appropriately identify a measure so we can address this new set of evidence,” dagdag pa ng tagapagsalita ng DOH.