Nagbigay ng payo ang Department of Health (DOH) nitong Lunes, Abril 12, 2021, sa mga pasyente ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nakararanas ng mild na mga sintomas ng naturang virus.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, iyong mga pasyenteng naka-home quarantine at nakararanas ng naturang mga sintomas ay nararapat na komunsulta agad sa pamamagitan ng telemedicine lalo pa’t hindi na aniya maaaring tumanggap ang mga ospital ng hindi severe COVID-19 na mga kaso bunsod na rin ng pagdagsa ng mga pasyente na apektado ng virus.
“It starts with a mild disease. Halimbawa sa COVID-19, mauuna ‘yan maglalagnat ka, sipon, ubo. Ang pinakamabuting ginagawa, as soon as you experience symptoms — of course you have to isolate — make use of the telemedicine providers so doctors are guiding you on what you’re supposed to do,” paliwanag ni Vergeire, na siya ring tagapagsalita ng DOH.
Hinihikayat din ng Kagawaran ang mga pasyente na maghanda ng pulse oximeter, isang aparato na ikinakabit sa daliri, upang tuluy-tuloy na ma-monitor ang bilang ng oxygen sa kanilang dugo.
“It is also handy na meron tayong pulse oximeter doon sa bahay natin. Sinasabi ng ating mga eksperto na kapag ang oxygen level is below 90 already, you need to seek consultation in a higher-level facility katulad ng ospital,” dagdag pa ng opisyal.