Masasaksihan na nang live ng publiko ang mga bidding ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa social media at website.
Ito ang iniutos ni DPWH Secretary Mark A. Villar para iwas iregularidad sa procurement alinsunod na rin sa Administrative Order No. 34 ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
“In the past, we are concentrated on the duly authorized observers and engagement of accredited civil society organizations as monitors of the procurement proceedings, these live-streaming efforts create the feeling for any interested people of being there,” pahayag ng Kalihim.
Online na rin ang pagsumite at pagtanggap ng bids mula sa mga contractor.
Sa ilalim ng Department Order No. 87, maaaring mag-email na lang ang bidders ng kani-kanilang bid sa head ng Bid and Awards Committee Secretariat ng mga procuring entity para iwas na rin sa COVID-19.
“More importantly, the decision to move the DPWH procurement process online is intended to lessen human intervention in receiving bids and therefore reduce the avenue for graft and corruption”, dagdag pa ng Secretary.
Samantala, sa ilalim naman ng Department Order No. 105 ni Sec. Villar, kailangang i-post sa website o social media ang pangalan ng infrastructure project, approved budget, contract period, pangalan ng nanalong bidder at address, halaga ng kontrata, petsa ng award at pagtanggap, at implementing office.
Inihahanda na ng information technology infrastructure ang mga procuring office para rito.