Sa kabila ng implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR at apat pang karatig probinsya, positibo si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na matatapos ang konstruksyon ng Sucat-Alabang Skyway extension project ngayong taon.
“Together with concessionaire San Miguel Corporation (SMC), we are targeting completion of the northbound segment by this second quarter while the southbound segment is being fast-tracked for delivery on or before the fourth quarter as part of our goal,” saad ni Villar sa isang pahayag kahapon, Marso 30.
Ayon sa kanya, ang naturang Skyway extension mula sa main line toll plaza sa Sucat, Parañaque hanggang South Luzon Expressway (SLEX) sa Susana Heights ay magpapabilis sa mga biyahe papunta at pabalik ng Southern Luzon hanggang Metro Manila, Central, at Northern Luzon.
Dagdag pa ni Villar, ang travel time mula Skyway main line toll plaza hanggang Susana Heights ay mababawasan na ng hanggang 50 percent kapag natapos ang nasabing proyekto.
Ang tatlong karagdagang lane umano na papuntang north at dalawang lane na papuntang south ay magbibigay sa mga motorista ng direktang koneksyon sa Skyway 1 at 2 at sa kabubukas pa lamang na Skyway Stage 3.
Kasama rin sa proyekto ang widening ng Skyway Alabang Toll Plaza upang magbigay daan sa mga motoristang manggagaling northbound at southbound.