Ipinahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagsuporta sa pagpapatupad ng National Food Policy (NFP) na itinatag ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista, papalakasin ng polisiyang ito ang iba’t ibang istratehiya at programa ng mga miyembrong ahensiya ng task force upang tuldukan ang gutom at mapabuti ang nutrisyon at seguridad ng pagkain sa bansa.
“The policy will reinforce and harmonize the efforts of the different member-agencies of the task force to create strategies and programs that will help end hunger, improve nutrition, achieve food security and promote sustainable agriculture in our country,” saad ni Bautista sa kaniyang talumpati sa virtual launch na kasabay ng unang taong anibersaryo ng IATF Task Force on Zero Hunger.
Ang IATF on Zero Hunger ay naitatag sa pamamagitan ng Executive Order No. 101 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasama sa NFP ang mga inisyatibo upang tuldukan ang problema ng gutom sa bansa, pagkakaroon ng seguridad sa pagkain, pagpapabuti ng nutrisyon, at pagtataguyod ng likas-kayang agrikultura.
“When President Duterte’s term ends in June 2022, the National Food Policy will formally be turned over to the next administration and hopefully they will accept and continue what we have started. The goal is to achieve sustainable development goal 2 which is Zero Hunger by 2030,” paliwanang ni Cabinet Secretary at IATF on Zero Hunger chair Karlo Nograles.