Wala pa umanong matibay na ebidensya na may kinalaman ang bakunang gawa ng AstraZeneca sa pagkakaroon umano ng blood clotting sa mga nakatanggap nito, ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Ito ay matapos pansamantalang suspendihin ng Department of Health (DOH) kamakailan ang pagbibigay ng naturang bakuna sa mga may edad 59 taong gulang pababa.
“So far po, ang ating national adverse events following immunization committee sumulat kahapon na wala naman daw na any cases reported ng blood clotting na connected sa bakuna dito sa atin,” pahayag ni FDA Director General Eric Domingo.
Ayon pa kay Domingo, naghihintay pa umano sila sa kasalukuyan ng karagdagang impormasyon mula sa vaccine expert panel ng bansa gayundin sa World Health Organization.
“Hindi naman natin tinigil sa senior citizen. Sabi lang natin ‘yung 59 and below tingnan muna natin ang datos para lang may complete information ang magbabakuna at babakunahan,” paglilinaw ni Domingo.
Nilinaw din ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaari umanong magkaroon ng extra indication o precaution sa paggamit ng AstraZeneca.
“Hindi ho natin tinitigil, nu’ng nangyari ‘yan sa ibang bansa, sinabi ng mga eksperto, and even the WHO [that] the benefit still outweighs the risk. So, ibig sabihin itutuloy pa rin, kailangan lang ho better guided ang mga gagamit,” ani Usec. Vergeire.