Sa inilabas na Advisory 2020-2052 ng Food and Drug Administration (FDA) kamakailan lamang, nagbabala ang ahensya sa masamang epekto sa kalusugan ng paggamit ng ultraviolet (UV) emitting devices bilang pang-disinfect para makaiwas sa COVID-19.
Sa kasalukuyan ay madalas na ginagamit ang mga ito sa mga commercial center at mga pampublikong lugar at sasakyan.
Ayon sa FDA, ang exposure sa UV radiation ay maaaring maging sanhi ng pangangati ng balat at magdulot ng pinsala sa mata.
“The International Commission on Non-Ionizing Radiation does not recommend the use of UV lamps for consumers or personal use,” ani FDA Director General Enrique Domingo.
Dagdag pa ni Dir. Gen. Domingo, ang exposure sa UV-A o soft UV ay maaaring humantong sa skin aging, samantalang ang contact naman sa UV-C o disinfection lamps ay pwedeng mauwi sa pagkasunog ng balat, skin cancer, o katarata.
“The FDA strongly advises against the use of UV light for COVID-19 disinfection near or on human body parts,” pahayag ni Domingo.
Sa ilalim ng FDA Act of 2009, inaatasan ang ahensya na mangasiwa sa pagkontrol ng paggamit ng radiation devices, tulad ng UV devices.