Tumba sa engkwentro sa mga pulis sa Zamboanga City ang diumano’y wanted na Abu Sayyaf terrorist dahil sa mga kinasangkutan nitong kidnapping, kasama na ang kaso ng Italian missionary na si Fr. Giancarlo Bossi noong 2007, ng 12:30 p.m. nitong Disyembre 9.
Patay dahil sa tama ng baril si Samad Awang alias Ahmad Jamay y Mara sa Sitio Sohaya Brgy. Mampang, Zamboanga City.
Sa ulat ng PNP, nagpaputok si Awang gamit ang cal.45 handgun nang tangkaing arestuhin ng Anti-Kidnapping Group ng Mindanao Field Unit, sa tulong ng CIDG, PNP-SAF, Regional Mobile Force Battalion-9, Philippine Army Intelligence Unit, at Marine Battalion Landing Team-11. Ang warrant of arrest ay inisyu ni Presiding Judge Josefino Bael ng RTC Branch 31 Imelda, Zamboanga Sibugay dahil sa Kidnapping and Serious Illegal Detention.
Binihag ng Abu Sayyaf terrorists ang Visayan-speaking Italian priest sa Basilan Island nang mahigit isang buwan bago mapakawalan dahil na rin sa operasyon ng pulis at militar.
Sangkot din umano si Awang sa kidnapping nina Joel Endino noong 2011 sa Ipil, Zamboanga Sibugay at Kathy Casipong noong 2013.
Si Awang ang 25th Most Wanted Kidnapping for Ransom Suspect ng Western Mindanao at sub-leader ng Abdussalam Group na may koneksyon sa Abu Sayyaf faction ng Furuji Indama.