Handa umanong sagutin ng gobyerno ang pagpapagamot sa mga taong makararanas ng negatibong epekto matapos mabakunahan ng COVID-19 vaccine, ayon sa Department of Health.
Sa isang virtual press briefing, ipinahayag ni Usec. Maria Rosario Vergeire na isang kumite ang binuo upang suriin ang mga posibleng side effects ng bakuna kontra COVID-19.
“Ito po ay kasama sa programa natin at sa katunayan, ngayon po meron tayong National Adverse Effect Following Immunization Committee na ito po ang magmomonitor para makita natin talaga kung ito bang mga adverse reactions ay dahil ba talaga sa bakuna, o may iba pang factor kung bakit nagkaroon ng ganitong reaction,” paglilinaw ni Usec. Vergeire.
Dagdag pa niya, “Mayroon na pong naihanda ang ating gobyerno itong tinatawag na mga benepisyo o kaya ay mga pagsagot sa paggamot ng ating mga kababayan na magkakaroon ng mga ganitong reaksyon sa bakuna.”
Binigyang linaw din ni Usec. Vergeire na lahat ng bakunang darating sa bansa ay isasailalim sa masusing pagsusuri ng mga eksperto.
“Kung ano lang po yung mabibigyan ng emergency use authority ng Food and Drug Administration, ibig sabihin kung ano po ‘yung dumaan sa ating regulatory process at naaprubahan po, ayun po ang bibilhin ng ating gobyerno,” pahayag ni Usec. Vergeire.