Nasa 106 mga barangay na sa lungsod ng Caloocan ang naitalang COVID19-free ayon sa huling datos na inilabas ng Caloocan City Health Department.
Sa 188 kabuuang bilang ng mga barangay sa lungsod, 82 mga barangay na lamang ang kasalukuyang may aktibong mga kaso.
Samantala, tinatayang 10,990 naman ang kabuuang bilang ng recoveries o mga tuluyan nang gumaling mula sa sakit.
Nagpapasalamat si Mayor Oca Malapitan sa bawat mamamayan sa lungsod para sa patuloy na pang-unawa at pakikiisa sa mga hakbang ng pamahalaang lungsod upang labanan ang COVID-19.
Sa kabila nito, patuloy na hinihikayat ni Mayor Oca ang mga mamamayan na huwag maging ningas-kugon at patuloy na sundin ang mga health and safety protocol.
“Hindi pa po tapos ang ating laban sa COVID-19. Patuloy po tayong nagpapaalala na mag-ingat ang lahat upang tuluyan nang mawala ang virus na ito,” pahayag ni Mayor Oca.