Muling pinaalalahanan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang mga ahensya ng gobyernong sumunod sa RA 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act sa isa na namang inspeksyon sa BI nitong Pebrero 26.
Ito’y matapos magsumbong ang isang banyagang nakaanim na balik na diumano sa BI dahil sa hindi mailabas-labas na extended tourist visa nito.
Nakumpleto na diumano ng foreigner ang requirements pero dahil sa nawala niyang resibo hindi niya makuha ang tourist visa.
“‘Yung resibo daw, hinihingi sa kanya, ‘yung previous payments. Sabi ko, kung resibo, may kopya sila dapat sa loob no’n? Kung may kopya sila, dapat hindi na nila hihingin sa tao,” saad ni ARTA Director General Jeremiah Belgica.
Ipinaliwanag naman ng supervising assessing officer na si Catalino Alfonso na maaaring kumuha ng kopya ng extension sa Management Information Systems Division ng BI para maisyu ang visa.
Pinaalis din ng Director General ang lahat ng signposts na nagsasabing may cut off time sa transactions ng BI.
Nag-tsek din ang ARTA ng Citizen’s Charter ng BI sabay babala sa mga ahensyang hindi pa nagsusumite ng revised charter na maaari silang mareklamo sa Ombudsman.