IATF APRUBADO NA ANG MGA PANUNTUNAN SA PAGBABALIK-OPERASYON NG MOTORCYCLE TAXIS

Ni Raiza F. Cabugwang
Photo courtesy of pna.gov.ph
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Ipinahayag ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Vince Dizon nitong Lunes, Nobyembre 9, na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga panuntunan na dapat sundin sa pagpapanumbalik ng operasyon ng motorcycle taxis sa gitna ng pandemya.

Layunin ng nasabing mga panuntunan na pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero sa kabila ng kinakaharap na krisis ng bansa.

“Napakaimportante nito dahil habang tumatagal ay kailangan na nating paandarin ang ating ekonomiya at ang napakakritikal na factor dito ay ang public transport. Importante na mabigyan natin ng options ang ating mga kababayan na bumalik sa kanilang trabaho,” paliwanag ni Secretary Dizon.

Kabilang sa mga mahahalagang nakasaad sa naturang mga panuntunan ay ang pagpapatupad ng full cashless payment para mabawasan ang direktang pakikipagsalamuha ng mga drayber at pasahero na maaaring magdulot ng pagkahawa sa virus.

Sa oras na pormal nang magbalik-operasyon ang motorcyle taxis, kinakailangan ding gamitin ng mga pasahero ang sarili nilang helmet na may kasamang visor. Ang visor ay magsisilbing face shield ng mga pasahero upang mas maproteksyunan sila laban sa sakit.

“Kailangan hindi lang supply ng transportation ang ibibigay natin, dapat ay siguraduhin natin na safe at hindi makokompromiso ang ating standard at guidelines sa pagpigil ng COVID-19 transmission sa paggamit ng motorcycle taxis at iba pang mode of public transport,” dagdag pa ni Dizon.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Department of Transportation Assistant Secretary at Land Transportation Office Chief Edgar Galvante ang mga tsuper na dapat ay mayroon silang sariling professional driver’s license upang payagang bumiyahe at kumuha ng mga pasahero.

Ayon pa kay Secretary Galvante, makikipagpulong rin ang technical working group na naatasang pagtuunan ng pansin ang motorcycle taxi operations sa gitna ng pandemya sa motorcyle taxi operators na Angkas, JoyRide, at Move It para pag-usapan ang nasabing mga panuntunan.

Plano ng naturang technical working group na muling simulan ang pilot study hinggil sa motorcyle taxis sa Metro Manila, Cebu, at Cagayan de Oro.

“Para matiyak natin na nagkakaintindihan tayo roon sa pamantayan sa standard, when they say they are already compliant with this, we will immediately set the start of the pilot study,” pahayag ni Galvante.

Matatandaang noong nakaraang taon ay nagsagawa ang pamahalaan ng pilot run tungkol sa paggamit ng motorcycle taxis kaugnay sa mga isyu hinggil sa seguridad at bisa ng serbisyong hatid ng mga ito. 

Nitong Marso ay sinuspinde ang nasabing pilot run dahil sa pagpapatupad ng community quarantine sa bansa na kalaunan ay naibalik rin sa ilalim ng panuntunan ng IATF-EID noong Oktubre 23, 2020.

Siniguro naman ni Angkas Chief Transport Advocate George Royeca na sumusunod sa mga panuntunan ng pamahalaan ang kaniyang kumpanya. Ibinahagi rin ni Royeca na nasa 3,000 na Angkas bikers ang nagnegatibo sa virus matapos sumailalim ang mga ito sa reverse transcription-polymerase chain reaction test.

“Angkas is ready. We will submit all our compliant requirements, and hopefully, we can convene and start the discussion,” saad ni Royeca.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.