Pinahintulutan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang Professional Regulation Commission na magsagawa ng licensure examinations mula Enero hanggang Marso ng taong ito.
“The request of the Professional Regulation Commission (PRC) to conduct and administer the licensure examinations for professionals scheduled for January to March 2021 was approved,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon sa website ng PRC, nakalaan na ang buwang ito para sa licensure exams para sa medical technologists, sanitary engineers, at mga arkitekto.
Sa Pebrero naman nakatakdang isagawa ang naturang pagsusuri para sa veterinarians, physical therapists, occupational therapists, geologists, psychologists, mechanical engineers, at iba pa.
Samantala, ang mga nakapagtapos naman ng kursong medisina, respiratory therapy, edukasyon, at iba pang mga katulad na propesyon ay kukuha ng kanilang pagsusulit sa Marso ng taong ito.
Bisitahin lamang ang website na prc.gov.ph/2021-schedule-examination para sa buong listahan ng schedule ng licensure examinations ngayong taon.
Noong nakaraang taon ay ipinagpaliban ng PRC ang pagsasagawa ng licensure exams dahil sa banta ng COVID-19.