Nasa PhP30-milyong halaga ng makina at raw materials na gamit sa paggawa ng sigarilyo at mga pekeng Winston, Marvels, Shuang XI, Seven Stars, Jackpot, at D & B ang nakumpiska ng Bataan PPO 2nd PMFC at Orion MPS, kasama ang Bureau of Customs at Japanese Tobacco, Inc., noong Pebrero 26 sa dalawang rice mills sa Orion, Bataan.
Nakumpiska ang makina at raw materials na gamit sa paggawa ng sigarilyo sa Crisostomo Rice Mill Warehouse sa Camino Rd. Brgy. Sto. Domingo bandang 3:30 p.m. sa bisa ng letter of authority (power to inspect and visit for violations of Chapter 3 Sec. 224 ng CMTA) na tinatayang nasa PhP20-milyon.
Nakuha naman sa isang follow-up operation sa Rice Mill Warehouse sa Brgy. Balagtas na pagmamay-ari diumano ng isang Eric Sioson ng Balanga City at nirerentahan ng isang Tony Lim mula Malate, Manila ang mga pekeng Winston, Marvels, Shuang XI, Seven Stars, Jackpot, at D & B na nasa PhP10-milyon.
Nauna nang nakumpiska ng Limay MPS ang ilang bulto ng pekeng sigarilyo sa isang checkpoint noong Pebrero 24 na nagresulta sa dalawang raids sa Orion.