Mas paiigtingin ng Joint Task Force COVID Shield ang pagbabantay sa mga pamilihan at merkado upang masigurong nasusunod ang itinalagang health protocols at mapigilan ang pagkalat ng virus ngayong papalapit na ang Pasko.
Ayon kay Police Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, pinuno ng Joint Task Force COVID Shield, nagtalaga na umano siya ng dagdag na pulis sa mga pampublikong lugar at sa mga lugar na madalas magkumpulan ang mga tao upang masiguro na nakasuot ang mga ito ng face mask at face shield, at nasusunod ang physical distancing.
“Magpapasko na nga, so itong mga places of convergence… dito, nag-doble kami ng aming mga tao. Ipinag-utos natin na ang kanilang visibility, doblehin,” pahayag ni Binag.
Inamin din niya na naging pagsubok sa pagpapatupad ng health protocols ng mga kapulisan ang ginawang paunti-unting pagbubukas ng ekonomiya.
Kaunay nito, nakiusap siya sa publiko na kung maaari ay iwasan muna ang out-of-town activities sa darating na Pasko sapagkat aniya, nananatili ang banta ng COVID-19 sa bansa.
“Pag-isipan ang galaw natin kung makaka-contribute ba tayo sa pag-solve nito o makakadagdag pa tayo sa problema ng ating bansa,” babala ni Binag.
Kamakailan, iniulat ni Binag na mayroon nang 500,000 katao ang naaresto at pinagmulta ng mga otoridad dahil sa paglabag sa health protocols mula ng unang ipatupad ang lockdown sa bansa bunsod ng pandemya.