Naiuwi na ngayong araw ang mga labi ng 72 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Saudi Arabia na namatay dahil sa COVID-19 at iba pang karamdaman.
Sa ulat ng Department of Labor and Employment, ito na ang ikaapat na batch ng repatriation mula sa Saudi Arabia para sa mga nasawi dulot ng pandemya. Dumating ang mga labi sa Ninoy Aquino International Airport nitong umaga sakay ng isang chartered Philippine Airlines flight.
Sa bilang na ito, 62 ang natukoy na nasawi dahil sa COVID-19. Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, 40 sa mga ito ang nakabase sa Al Khobar, 17 ang nagmula sa Jeddah, at 15 mula sa Riyadh.
Tulad umano ng nakagawian, dumalo ang ilang opisyal ng pamahalaan upang salubungin ang mga labi ng OFWs bilang respeto sa mga tinaguriang bagong bayani ng ating lipunan.
Sa kasalukuyan, aabot na sa 264 na bangkay ang naiuwi ng gobyerno mula Saudi Arabia kabilang na ang naiuwing 192 labi ng mga OFWs nitong Hulyo.