MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi na kailangang i-extend ang enrollment period na nagtapos noong Hulyo 15, dahil tatanggapin pa rin ang mga mag-aaral na magpapatala sa mga paaralan.
Tiniyak ito ng Kagawaran alinsunod sa Department Order No. 003, s.2018 kung saan nakasaad, “A school may accept late enrollees provided that the learner will be able to meet eighty percent (80%) of the prescribed number of school days for each school year and the quarterly requirement to pass the grade level as governed by the latest existing applicable DepEd issuances.”
Ayon sa pinakahuling tala ng Kagawaran, umabot na sa 21,724,454 ang bilang ng mga mag-aaral na nagpatala sa buong bansa para sa S.Y. 2020-2021.
Nasa 20,275,530 ang bilang ng mag-aaral na nagpatala sa mga pampublikong paaralan, samantalang 1,219,094 naman ang mula sa mga pribadong eskwelahan.
Sa ginanap na meeting ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ipinahayag ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang kabuuang bilang ng enrollees sa taong ito ay 77 porsyento lamang ng kabuuang bilang ng mga mag-aaral noong S.Y. 2019-2020.
Gayunpaman, inaasahan ng Kagawaran na tataas pa rin ang bilang ng mga magpapatala ngayong taon at maaabot nila ang target na 80% ng kabuuang bilang ng enrollment ng nakaraang taon na isinumite sa National Economic and Development Authority.
“Sa public, 90 percent of the students last year ang naabot natin. Ang ating problem ay with our private school enrollees, kasi only 27 percent have returned. And, we now have this what I describe as a phenomenon of private school students migrating to the public schools,” pahayag ni Sec. Briones.
Ayon sa Kalihim, ang kasalukuyang bilang ng mga mag-aaral na lumipat mula sa pribadong paaralan papunta sa pampublikong paaralan ay nasa 347,860.