Isinusulong ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang mas mababang taripa sa mga angkat na bigas sa 35 percent.
Ayon kay Dr. Dionisio Alvindia, program director ng DA-Integrated Rice Program sa isang virtual press briefer kahapon, ang in-quota tariff para sa mga angkat na bigas na nasa minimum access volume (MAV) ay nasa 40 percent sa kasalukuyan habang ang mga lalagpas sa MAV ay nasa 50 percent.
“This is so we can have other options for rice importations. Hindi lang tayo reliant on Southeast Asian nations. Right now, we are only 92 to 93 percent food sufficient, the remaining 7 percent is from importations,” dagdag niya.
Binanggit ni Alvindia ang desisyon ng Vietnam kamakailan na babaan ang export volume nito. Ang Vietnam ay isa sa mga pangunahing exporter ng bigas sa Pilipinas
“This is in preparation para hindi magkulang (ang Pilipinas) sa future importations,” paliwanag niya.
Ito rin umano ang dahilan kung bakit ginagawa ng DA ang lahat upang pataasin ang productivity level ng mga magsasaka sa pamamagitan ng paggamit ng hybrid at kalidad na mga binhi at pagbibigay sa mga ito ng mga kailangang makinarya sa pagsasaka.
Noong nakaraang buwan ay inanunsyo ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang panukala nitong pabilisin ang pag-angkat ng mga produktong pagkain, kabilang na ang isda, upang pababain ang presyo ng mga ito sa merkado.