Nakaligtas sa isang roadside bomb attack si South Upi Mayor Reynalbert O. Insular habang binabaybay ng convoy nito ang Brgy. Pandan at Brgy. Pilar bandang 2:00 p.m. nitong Enero 3.
Nilikas ang mayor at ang grupo nito ng mga rumespondeng tauhan ng South Upi Municipal Police Station at 57th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Patay naman ang isa at sugatan ang apat dahil sa parehong improvised explosive device na pinasabog ng mga armadong kalalakihan.
Patay sa pagsabog si Thelmo Divinagracia Sase, 28, ng Brgy. Itaw, South Upi, samantalang sugatan sina John Tumbaga, 30, ng Linamas Brgy. Romongaob, South Upi; Christian Sase, 22, ng Brgy. Itaw, South Upi; Ernesto Debang, 53, ng Brgy. Pandan; at Leonard Betita, 20, ng Brgy. Pilar, South Upi.