Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Pasay City at lokal na kapulisan nito ang pagpapatupad ng health protocols sa kasagsagan ng patuloy na pagtaas ng kaso ng mga positibo sa COVID-19 na nagresulta sa pagkakaaresto ng 448 na indibidwal na lumabag sa curfew ayon sa huling tala kagabi.
Ayon kay Police Chief Col. Cesar Paday-os, mula umano nang ibalik ang mas mahabang curfew hours noong March 12, giit ng karamihan sa mga nahuling lumabag sa curfew ay hindi umano nila alam ang tungkol sa implementasyon nito.
“Marami pa rin po ang nagpapalusot kahit alam na nila na may bagong curfew na pinatutupad ay talagang lumalabas pa rin sila ng bahay para gumala kahit walang importanteng dahilan,” saad ni Paday-os.
Ayon sa pinakahuling datos noong Linggo ay mayroong pang 765 aktibong kaso ng COVID-19 at 8,419 recoveries mula sa sakit ang Pasay.
“Ito po ang tamang panahon para magka-isa tayo na labanan ang pandemya at magagawa natin ito kung magiging responsable tayong mga mamamayan na sumusunod sa mga itinatakda ng ating pamahalaan. Sana po ay makipagtulungan tayo,” saad ng alkalde.
Ang mga lalabag sa curfew sa unang pagkakataon ay ililista ang pangalan sa blotter ng barangay. Sa pangalawang beses ng paglabag ay magmumulta na ang mga ito ng Php1,000 habang sa pangatlo at pang-apat na paglabag ay kailangan na silang magmulta ng Php5,000.
“All those arrested will be issued citation tickets issued by the Office of the City Treasurer and must pay the fine within 24 hours to avoid being criminally prosecuted,” paliwanag ng lokal na pamahalaan.