‘May pondo na kami para sa COVID-19 vaccine’ – Isko Moreno

Ni Dir. Benjie Dorango

Nakahanda na ang P200 milyong piso na pondong gagamitin ng lungsod ng Maynila pambili ng COVID-19 vaccine sa oras na ito ay maging available na.

Ito ang inanunsyo ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kasabay ng pagbubukas ng pinakabagong quarantine facility nitong umaga sa Manuel L. Quezon University (MLQU) sa Quiapo, Manila.

Aniya, ang pondo ay nakatengga lang muna, pero habang naghihintay, kaliwa’t kanan naman ang pagkilos ng kanyang lokal na pamahalaan para kahit papaano, mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Maynila.

Bukod sa mga pasaway na “tolonges” na ayaw mag-mask at mag social distancing, isa sa nakikita niyang problema ay ang isolation ng mga nahawa na. Buti na lang aniya, nakapagtayo na sila agad ng mga quarantine facility tatlong buwan na ang nakakalipas.

Sa kasalukuyan, ayon kay Mayor Domagoso, halos puno na ang mga ito, kaya’t  habang hindi pa ginagamit ang gusali ng MLQU College of Law, ay napagpasyahan itong gawing isang quarantine facility.

Binubuo ng dalawang palapag, ang nasabing quarantine facility ay kumpleto sa pasilidad para sa kumportableng pagpapagaling ng mga pasyente. Mayroong 28 air-conditioned cubicles kada isang palapag.

Sa kabuuan, 56 na pasyente ang pwedeng gumamit sa dalawang palapag ng bagong isolation facility na mayroon ding family room para sa privacy ng isang pamilya.

Ipinahayag naman ni National Action Plan Against Covid-19 Deputy Chief Implementer at Testing Czar Secretary Vince Dizon ang kanyang pagsaludo kay “Yorme” Domagoso. 

Aniya, importante ang mga ganitong hakbang lalo’t tumataas ang bilang ng nagkakasakit sa bansa kabilang na ang lungsod ng Maynila.

Tulad ni Yorme, naniniwala rin si Sec. Dizon na dapat ay mabilis ang responde sa ganitong panahon. Dagdag pa ni Dizon, natutuwa ang gobyerno dahil mayroon nang 17 quarantine facilities ang Maynila na katumbas ng 500 bed capacity.

“Pinakamarami ito sa kahit na anong LGU sa bansa. Madadagdagan pa ‘yan,” ani Dizon.

Samantala, sa tulong ng Department of Public Works and Highways, dalawang bagong quarantine facilities pa ang planong itayo sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at sa San Andres Sports Complex sa lungod ng Maynila.

Ayon kay Mayor Domagoso, kasalukuyang nasa 2 porsyento lamang ang death rate sa Maynila at target aniya ng kanyang lokal na pamahalaan na ibaba ito sa 0 porsyento. Ngunit mababalewala aniya ang lahat ng pagsisikap ng gobyerno kung “tolonges” ang mga tao.

“Tolonges ka na lang kung hindi ka magma-mask. Dahil akala mo di ka magkakasakit. Sa mga nanay natin, nasa huli ang pagsisisi. Mababalewala lahat ‘yan kung tayo ay magpapabaya sa sarili. Matuto kayong pagmalasakitan ang [ating] sarili,” saad ni Domagoso.

Nakatakdang magbukas at magbigay-serbisyo sa Agosto 10 ang MLQU Quarantine Facility.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.