Nagsimula nang mamahagi ng ayuda ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga pamilyang apektado ng ECQ.
Ayon kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kahapon, Abril 6, may mga guidelines na kailangang sundin sa pamamahagi ng ayuda dahil ito ay nagmula sa pamahalaan. Nakatanggap umano ang Treasurer’s Office ng lungsod ng nasa tinatayang Php1,523,700,000 noong Lunes, Abril 5, at nagsimula nga ang distribusyon kahapon.
“Ang data na hawak natin is 380,000 families already. Mayroon tayong bibigyan na PHP4,000 each family at ang ibibigay ko cash,” paliwanag niya.
Ayon kay Domagoso, pinapili ang mga LGU kung ipapamahagi ang naturang ayuda “in cash” o “in kind.” Pinili umano niyang ibigay ito ng cash dahil namamahagi na ang lungsod ng buwanang food pack sa nasasakupan nito.
Sa pamamaraang ito umano ay maaaring gamitin ng mga pamilya ang pera sa paraang naaayon sa kanilang pangangailangan.
Isinapubliko na ng lungsod ang listahan ng mga benepisyaryo sa ECQ cash aid sa Facebook page ng Manila Public Information Office at sa mismong Facebook page ni Domagoso.
Hinikayat din ng alkalde ang mga Manilenyo na hanapin muna ang kanilang pangalan sa listahan bago magtungo sa distribution sites upang tumanggap ng ayuda.
Pagkatapos umano ng distribusyon ay maglalabas ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng listahan ng mga benepisyaryong nakatanggap na ng nasabing ayuda.