Hinikayat ng pamahalaan ang mga pribado at pampublikong ospital na maglaan ng dagdag na hospital beds para sa mga pasyente ng COVID-19 sa ilalim ng bagong resolusyon na ipinasa ng IATF-EID.
Ito ay inanunsyo ni Presidential Spokesperson matapos iulat ng mga health authorities ang nakakaalarmang occupancy rate ng intensive-care beds sa mga ospital sa NCR kasunod ng biglaang pagtaas ng COVID-19 cases dito.
Nauna nang nagbabala ang OCTA Research Group na maaaring umabot sa 100 percent ang mga ospital sa Metro Manila sa unang linggo ng Abril kapag hindi napigilan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga positibo sa virus.
“Kinakailangan po ang ating mga ospital ay damihan po ‘yung kanilang mga kama na nakareserba para sa mga Covid na mga pasyente,” saad ni Roque sa isang virtual presser kahapon.
Ayon pa kay Roque, dapat itaas ng mga pribadong ospital ang kanilang health system capacity sa 30 percent habang ang pampublikong sektor ay dapat magtaas ng hanggang 50 percent.
“Nakikiusap naman po kami kung kayo po ay asymptomatic or mild sa TTMF na po tayo manatili ng yung mga seryoso lamang na pasyente ang mapunta sa ating mga ospital,” dagdag niya.
Ipinag-utos din ng resolusyon sa mga LGUs na paigtingin ang kanilang pagbabahay-bahay upang matukoy ang mga mild at symptomatic na pasyente at ilipat sila sa quarantine facility.
“Eto po yung pagbabahay-bahay at paghahanap ng mga sintomas, pag-i-isolate ng may sintomas at pagte-test sa mga taong may sintomas sa pamamagitan ng RT-PCR,” saad ni Roque.