Magpapatuloy ang nauna nang lockdown ng general headquarters ng AFP na nagsimula nitong Marso 21 bandang 8:00 a.m. hanggang sa makontina ang tumataas na bilang ng COVID-19 infection sa bansa.
Ito ang sinabi ng AFP matapos makapagtala ng 83 bagong kaso ng COVID-19 infection mula Marso 17-21 sa Camp Aguinaldo.
Magpapatuloy pa rin naman ang operasyon ng military units sa loob ng kampo ngunit 50% lang ng workforce ang tatao sa kani-kanilang opisina samantalang work from home naman ang mga civilian personnel na hindi kinakailangang pumasok nang personal sa trabaho.
Mananatili sa loob ang mga military personnel kasama ang kani-kanilang pamilya at papayagan lamang lumabas kung awtorisado.
Papayagan lang din lumabas ang essential workers na nasa edad 21-59 na may office o work IDs.
Makakapasok lang din sa kampo ang mga may opisyal na transaksyon sa lugar.
Nasa 7,342 kabuuang kaso na ng COVID-19 meron ang AFP nitong Marso 21, kung saan 870 dito ang active, 6,424 na ang gumaling, at 48 na ang namatay.